EBANGHELYO: Jn 3:7-15
Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Huwag kayong magtaka dahil sinabi ko na kailangan ninyong isilang mula sa itaas. Umiihip ang hangin saan man nito ibig, at naririnig mo ang ihip nito, subalit hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan papunta. Gayon nga ang bawat isinilang sa Espiritu.” “Paano pupuwede ang mga ito?” “Nicodemo, guro ng Israel ka pa naman, at hindi mo alam? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo: alam namin ang aming sinasabi at pinatototohanan namin ang aming nakita, at hindi pa ninyo tinatanggap ang aming patotoo. Hindi kayo naniniwala kung mga bagay sa lupa ang sinasabi ko sa inyo, kaya paano kayo maniniwala kung mga bagay sa Langit ang sasabihin ko sa inyo. Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit—ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Ruth Suarez ng Institute of Our Lady of Annunciation ang pagninilay sa ebanghelyo. Narinig natin sa Mabuting Balita na ipinapakita na nagtagumpay ang Panginoong Hesus sa kanyang misyon. Naging masunurin si Hesus sa Ama hanggang sa Sya’y ipako sa krus. Sa pamamagitan ng pagkakataas ng Ama kay Hesus na nakabayubay sa krus, titingalain at sasambahin ang kanyang pangalan, “Jesus’ name is above every other name” – whom we alone worship and adored. Sa Krus iniligtas tayo ni Hesus at nakibahagi sa kanyang pagkabuhay at sa buhay na walang hanggan. Nagkaroon tayo muli ng dignidad at napalaya sa pagiging makasalanan. Naalala ko noong college student ako, bilang working student nagtatrabaho ako sa araw at nag-aaral sa gabi. Mahirap at hindi madali ang buhay ng isang working student, pero nalampasan ko ito. Sa pamamagitan ng pagtitiyaga, pagsisikap at pananalangin, nakamit ko ang tagumpay at nakatapos ng kursong BS Accountancy. Sa panahon ngayon, humaharap tayo sa malaking hamon ng buhay, ang pagtanggap at pagharap sa mga epektong dulot ng Covid-19. Huwag sana tayong mawawalan ng pag-asa na ang lahat ay magkakaron ng lunas at kaginhawaan sa huli. Kagaya ni Hesus na pinasan ang kanyang krus sa pagsunod sa kalooban ng kanyang Ama, gayon din sana tayong mga nananampalataya kay Kristo.
PANALANGIN
Panginoong Hesus gabayan nyo po kami sa pagsunod sa kalooban ng Ama. Amen