Daughters of Saint Paul

ABRIL 18, 2021 – IKATLONG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY (B)

EBANGHELYO: Lk 24:35-48

Isinalaysay ng dalawang alagad ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay. Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila at nagsabi: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”. Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang pag-aalinlangan sa inyong isipan? “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa. Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda at pulot-pukyutan. Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila. Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.” At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan—sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging saksi sa mga ito.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Sebastian Marfilgadia III ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Naranasan mo na bang iwanan sa ere ng mga itinuturing mong kaibigan sa gitna ng iyong matinding pinagdaraanan? Normal sa tao ang maghiganti at ipamukha sa kanyang mga kaibigan na nang-iwan/ na hindi sila maaasahan sa panahon ng kagipitan. Normal niyang sabihing: “Nasaan ka sa mga panahong kailangan kita?”// Ang ating Panginoong Hesukristo ay iniwan din ng kanyang mga alagad noong dinakip siya upang ipako sa krus. Pero nung siya’y muling nabuhay, nagpakita siya sa kanyang mga alagad, at natakot sila na parang nakakita ng isang multo. Siguro, natakot sila dahil inisip nilang baka nagpakita ang Panginoon upang maghiganti dahil sa kanilang pag-iwan sa kanya. Ngunit kabaliktaran ang nangyari! Sa halip na maghiganti, kapayapaan pa ang binigay sa kanila ng ating Panginoong Hesukristo. Sa halip na gumanti, ipinaranas pa ni Hesus ang kanyang dakilang pag-ibig sa kanila. Ang patunay nito ay kanyang mga sugat sa mga kamay at paa.// (Mga kapatid, hindi napapagod ang ating Panginoong Hesukristo sa pagmamahal at pagpapatawad sa atin. Minsan, tayo ang napapagod na lumapit sa kanya, dahil feeling natin nagsasawa na ang Panginoon sa paulit-ulit nating kasalanan. Kung ano man ang mga bagahe sa puso mo ngayon – takot, pagdududa, kahihiyan at kung anu-ano pa, ilapit mo ang mga ito sa Panginoong Hesukristo at tiyak na papalitan niya ito ng kapayapaan, ang kapayapaan na kailanma’y hindi maibibigay ng mundo.// 

PANALANGIN

Panginoon, turuan Mo po akong magpatawad sa mga taong nagdulot sa akin ng hapis at sakit ng kalooban. Pagkalooban Mo po ako ng pusong mahabagin at hindi mapaghigante. Turuan Mo po akong maging mapagpakumbaba at humingi ng tawad sa mga taong nasaktan ko. Amen.