Daughters of Saint Paul

ABRIL 21, 2021 – MIYERKULES SA IKATLONG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 6:35-40

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin. Subalit sinabi ko sa inyo: Nakita na ninyo at hindi kayo naniniwala. Lalapit sa akin ang anumang ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi upang gawin ang kalooban ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. Ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na huwag kong pabayaang mawala ang anumang ibinigay niya sa akin; sa halip ay ibabangon ko ito sa huling araw. Ito ang kalooban ng aking Ama: ang bawat nakasaksi sa Anak at naniniwala sa kanya ay may buhay na walang hanggan, at ibabangon ko siya sa huling araw.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Jk Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ano ba ang ginagawa mo para hindi ka makaranas ng rejection? Sabi nila ang “I love you” ang pinaka-importante na three-letter-word ng mga ikakasal. Ang pinaka-importanteng three-letter-word naman ng mga mag-asawa kung mga limang taon na silang kasal, “Honey, I agree!” At ang pinaka-importanteng three-letter-word naman ng mga may hihilingin sa kanilang asawa? “Darling, pumayat ka.”// Mga kapatid, halos lahat sa atin takot makaranas ng rejection. Kaya gumagawa tayo ng iba’t ibang pamamaraan para maiwasan ito.  Sadyang masakit ang ma-reject. Lalong masakit kung mararanasan natin ang rejection sa mga taong dapat nagmamahal o naka-uunawa sa atin: miyembro ng ating pamilya o malalapit na kaibigan.// Meron magandang paalala si Jesus ngayon sa Mabuting Balita. Kapag pumunta tayo sa kanya, hinding-hindi niya tayo itatakwil. Kaya isang maling akala na hindi naririnig ng Diyos ang ating mga dasal. Iba ang pamamaraan ng Panginoon kumpara sa pamamaraan nating mga tao. Kadalasan, sinagot na ni Jesus ang ating mga dasal pero hindi naman natin ito pinapansin at pinasasalamatan. Madalas kasi ang gusto nating tugon ng Diyos sa ating panalangin ay naka “package” ito ayon sa ating kagustuhan. Minsan naman hindi agad-agad sinasagot ng Panginoon ang ating mga panalangin dahil sa hindi pa tayo handa. Kailangan muna natin na maging mapagpakumbaba; na magkaroon tayo ng pasensya at tiwala sa tama at nakatakdang panahon ng Diyos para tugunan ang ating mga kahilingan. Sabi nga nila, “God’s time is never late because it’s always the perfect time.”// Kaya ‘wag nating apurahin ang Panginoon sa tuwing tayo’y nananalangin. Buhay ang Diyos! Hindi siya nagbibingi-bingihan! Kaya naman magtiwala na sa tuwing tayo’y lumalapit at may hinihingi sa kanya, lagi siyang andiyan, palaging nakikinig sa atin. Amen.