Daughters of Saint Paul

ABRIL 27, 2021 – MARTES SA IKAAPAT NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 10:22-30

Piyesta ng pagtatalaga sa Jerusalem, at taglamig noon. Palakad-lakad si Jesus sa Templo sa patyo ni Solomon, at pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya: “Hanggang kailan mo ba kami ibibitin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin nang tahasan.” Isinagot sa kanila ni Jesus: “Sinabi ko na inyo subalit ayaw ninyong maniwala. Nagpapatotoo sa akin ang mga gawang ginagawa ko sa ngalan ng aking Ama. Subalit hindi kayo naniniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. Naririnig ng aking mga tupa ang aking tinig, at nakikilala ko naman sila, at susunod sila sa akin. Buhay na walang hanggan ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa aking mga kamay. Mas dakila kaysa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami ng aking Ama.” 

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Edna Cadsawan ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang mabuting balitang ating narinig ay nagpapakita ng tila pag-aalinlangan at pagkainip, ng mga Judiong nakapaligid kay Hesus. Gusto nilang diretsahang sabihin niya, na siya na nga ang hinihintay nilang Kristo na magliligtas sa kanila. Hindi naging sapat para sa kanila ang mga milagrong ipinakita ni Hesus. Sa panahon natin ngayon, madalas tayo ay nagiging katulad din ng mga Judiong iyun.  Nais din nating magkaroon ng agarang sagot sa ating mga tanong at panalangin. Lalo na ngayong panahon ng pandemya, madalas din tayong mainip sa kanyang pagtugon. Pero, nakalulungkot din ang katotohanan na madalas, may naging pagtugon na ang Diyos sa atin. Kaya lang hindi natin ito nakikita, dahil ang hinahanap nating sagot ay iyung naaayon sa gusto natin. Sinabi ni Hesus sa ebanghelyo, na kung tunay ngang kabilang tayo sa kanyang mga tupa, makikilala niya tayo at susunod tayo sa kanya. Ito ang inaasahan niya sa atin, na magtiwala at patuloy tayong sumunod sa kanya. Naalala ko po ang aming naging karanasan nang malugi ang negosyo ng Papa ko kaya kinailangan naming lumipat sa isang maliit na apartment. Marami akong naging katanungan noon, pero sa patuloy na panalangin ay naintindihan ko din na may mga bagay na dapat mangyari dahil iyun ay para sa ikabubuti namin. Marahil kung hindi kami nakaranas ng paghihirap, baka hindi naging maayos ang mga buhay namin. Mga kapatid, manalangin tayo at patuloy na magtiwala sa Diyos dahil mahal niya tayo at ibibigay niya ang mga bagay na makakabuti sa atin. Amen.