EBANGHELYO: Jn 12:44-50
Malakas na sinabi ni Jesus: “Ang naniniwala sa akin ay hindi sa akin naniniwala kundi sa nagsugo sa akin. Ang nakakasaksi sa akin ay nakakasaksi sa nagsugo sa akin. Dumating ako sa mundo bilang liwanag upang hindi sa dilim manatili ang bawat naniniwala sa akin. Kung may nakakarinig ng aking mga salita at hindi ito iingatan, hindi ako ang humahatol sa kanya, sapagkat hindi ako dumating upang hukuman ang mundo kundi upang iligtas ang mundo. May huhukom sa bumabalewala sa akin at hindi tumatanggap sa aking mga salita. Ang salitang binigkas ko ang huhukom sa kanya sa huling araw. Sapagkat hindi ako nangusap sa ganang sarili; ang nagsugo sa akin, ang Ama, siya mismo ang nag-utos sa akin kung ano ang sasabihin ko at paano ako magsasalita. Alam ko na buhay na walang hanggan ang utos niya. Kaya lahat ng binibigkas ko’y binibigkas ko gaya ng sinabi sa akin ng Ama.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Kamusta ang kalagayan ng buhay mo sa ngayon? Maliwanag ba ito o madilim? Meron akong naging kaibigan na isang mangingisda. Isang araw natuwa ako dahil sa meron itong inihandang flying fish para sa akin. ‘Yon ang unang pagkakataon na nakatikim ako nito. Habang kami’y kumakain naitanong ko sa aking kaibigan kung paano nahuhuli ang flying fish; paano nila nahuhuli ang isang marunong lumipad na uri ng isda. Nasorpresa ako sa kanyang sagot, “Madali lang father. Mahilig kasi lumipad o maglaro ang mga flying fish kung merong araw. Akala siguro nila tunay na liwanag ng araw ang dala naming malaking spotlight. Kaya kapag ito’y pinapa-ilaw namin habang kami’y nasa laot, ang mga flying fish na mismo ang kusang pumapasok sa aming bangka.”// ilan kaya sa atin ang merong ugaling flying fish? Madalas naaakit sa pekeng liwanag hatid ng makamundong pamumuhay. Kaya hindi maipagkaila na habang nananatili tayo sa liwanag na ito, hindi pa rin tayo masaya; tila kulang pa rin o hindi sapat ang lahat ng biyaya na meron tayo sa buhay. Sa Mabuting Balita may mahalagang paalala si Hesus—Siya ang tunay na Liwanag. Sa ating paglapit hinding-hindi tayo itatakwil ng Panginoon. Kapag nanatili tayo sa Kanyang piling, hindi Niya tayo ipapahamak. Kaya kapanalig kung pakiramdam mo’y madilim ang buhay mo sa ngayon dahil sa lungkot, kung pakiramdam mo’y may kulang ang buhay mo sa kasalukuyan, ‘wag mag-atubiling lumapit sa Liwanag ni Hesus. Magtiwala ka na mas makapangyarihan ang Liwanag ng Panginoon laban sa ano mang uri ng kadiliman na iyong nararanasan sa ngayon. At kung mananatili ka sa Kanyang Liwanag, may dahilan ka pa rin na maging masaya kahit na parang “brownout” ang kalagayan ng iyong buhay. Dahil ang handog ng Liwanag ng Muling Nabuhay na Kristo ay tunay na kasiyahan at pag-asa. Amen.