Daughters of Saint Paul

ABRIL 30, 2021 – BIYERNES SA IKA-4 NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 14:1-6

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: ‘Papunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.’ At kapag nakapunta na ako at nakapaghanda ng lugar para sa inyo, muli akong darating at isasama ko kayo para sa aking sarili upang kung saan ako naroroon, gayon din naman kayo. At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Papaano namin malalaman ang daan?” “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang sinumang nakalalapit sa Ama liban sa pamamagitan ko.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Narinig natin sa Mabuting Balita, na sinagot ni Hesus si Tomas ng ganito “Ako ang daan, ang katotohanan at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” Malaki ang naging kaugnayan ng mga salitang ito ni Hesus sa personal kong buhay. Ang mga salitang ito mismo ang nagbigay lakas sa akin, na mag desisyong pumasok sa kumbento. Taong 1986, recollection ng graduating class namin nang ako ay nagtatanong sa aking sarili kung pagkatapos ng college ay papasok na ba ako sa kumbento o magtatrabaho muna.  Sa pagbabasa ng Bibliya, ang mga salitang ito ni Hesus ang nag-udyok sa akin na pagnilayang mabuti. Matapos ang mga oras ng panalangin, nabuo sa isip ko na hindi ko na dapat ipagpaliban pa ang pagpasok sa kumbento. Dito sa Daughters of Saint Paul ako pumasok. At laking tuwa ko dahil sa pag-aaral naming ng charism, napagtanto ko na ang mga salitang ito pala ang “Puso” ng aming karisma. Si Hesus ang DAAN na dapat kong sundan. Si Hesus ang KATOTOHANAN na dapat kong paniwalaan. At si Hesus ang “BUHAY” na dapat kong mahalin nang buong puso. Kumilos ang Diyos sa aking buhay. Inihanda Niya ako sa buhay ng pag-aalay sa Diyos. Binigyan ng lakas, binigyan ng liwanag ang aking kaisipan, at pinuno ng biyaya ang aking buhay sa kabila ng mga hamon ng buhay. Mga kapatid, mabuti ang Diyos, napakabuti ng Diyos.  

PANALANGIN

Panginoon, ikaw ang daan,ang katotohanan at ang buhay. Sa mahigit isang taon na nang aming pakikibaka sa kaaway na hindi nakikita, sa pandemyang kumitil na ng maraming buhay at nagpahirap na sa amin. Huwag sana kaming mawawalan ng pag-asa at patuloy na manalig sa Iyong pagpapala at biyaya. Panghawakan nawa namin ang Iyong pangako na huwag kaming mangamba dahil kailanman, hindi mo kami iiwan. Amen. Amen.