Daughters of Saint Paul

MAYO 1, 2021 – SABADO (PAGGUNITA) – SAN JOSE MANGGAGAWA

EBANGHELYO: Mt 13:54-58

Pumunta si Hesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba’t siya ang anak ng karpintero Hindi ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.

PAGNINILAY

Ngayong ipinagdiriwang natin ang Taon ni San Jose, napakagandang pagnilayan ang kanyang katangian kung ba’t napili siya ng Diyos Ama na maging foster father ng Kanyang Anak na si Hesus. Bagama’t wala ni isang salita na nasusulat sa Biblia si San Jose, ang kanyang pagiging tahimik na manggagawa ang isa sa pinakatampok niyang katangian.  Nangungusap sa kanya ang Diyos sa pamamagitan ng panaginip, kaya ang kanyang tugon sa ipinag-uutos ng Diyos ay agarang pagtalima.  Masunurin si San Jose sa ipinapagawa sa kanya ng Diyos, kaya nagampanan niya nang buong husay, tapang, dedikasyon at pagmamahal ang pagiging ama ng Banal na Mag-anak ni Hesus at Maria. Siya ay isang taong matuwid, malakas ang tiwala sa Diyos at tagapangalaga ng Banal na Mag-anak. Sinasabing kasunod ni Maria, si San Jose ang pinakamataas, pinakabanal at pinakamabait na santo.  Kaya sa paggunita ng 150 years ng pagkahirang sa kanya bilang tagapangalaga ng Inang Simbahan, deneklara ni Pope Francis na Year of St. Joseph ang Taong 2021.  Aniya, ngayong panahon ng pandemya, si San Jose ang huwaran ng lahat ng mga manggagawa na tahimik na nagtatrabaho upang maitaguyod ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya.  Si San Jose ang patron ng Simbahang Katolika, ang patron ng mga manggawa, at patron ng mabuti at mapayapang kamatayan… O San Jose, ipanalangin mo kami, Amen.