Daughters of Saint Paul

MAYO 2, 2021– IKALIMANG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 15:1-8

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga sa akin; at pinupungusan naman niya’t nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga. Malinis na kayo dahil sa wikang binigkas ko sa inyo. Manatili kayo sa akin, ako naman sa inyo. Hindi makapamumunga ang sanga mula sa ganang sarili, malibang manatili ito sa puno ng ubas; gayundin naman, hindi kayo makapamumunga malibang manatili kayo sa akin. Ako ang punong ubas, kayo ang mga sanga. Kung may nananatili sa akin at ako naman sa kanya, namumunga siya ng sagana; ngunit kung hiwalay sa akin ay hindi ninyo kayang gumawa ng anuman. Kung may di nananatili sa akin, itatapon siya sa labas gaya ng sangang natuyo, na tinitipon at iginagatong sa apoy at nagliliyab. Kung mananatili kayo sa akin at mananatili naman sa inyo ang aking mga salita, hilingin ninyo ang anumang loobin ninyo at gagawin ko para sa inyo. Sa ganito pararangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Paolo Asprer ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Madalas ka bang mawalan ng koneksyon ng wifi o Internet? (Naranasan mo na ba na habang kausap mo ang iyong mga mahal sa buhay sa Skype o Viber videocall, o kaya habang ikaw ay nagrereport sa online class, biglang naputol ang koneksyon!  Maraming kadahilanan kung bakit maaaring mawalan tayo ng signal: maling settings ng komunikasyon, data traffic, kakulangan sa load, o mismo ang gadget natin ang may problema.) Meron isang koneksyon na kailanman ay laging libre at kahit anong oras maaaring gamitin – ang koneksyon natin sa Diyos. Kumusta naman ang koneksyon mo sa Kanya? Ginagamit bilang simbolo ng ugnayan at pagkakaisa ng bayang Israel at ng Simbahan sa Diyos ang imahe ng puno ng ubas. Tinukoy ng ilang Mga Propeta ang Israel bilang puno ng ubas na itinanim at inalagaan ng Panginoon, pero naging masama at walang pakinabang. (Wika ni Yawe sa bayang Israel sa pamamagitan ni Propeta Jeremias (2:21): “Itinanim kita, tulad sa piling ubas, sanga ng matamis na klase! Bakit ka umasim at naging ligaw na baging? Maghugas ka man ng lihiya at sabong sagana, mananatili ang bahid ng iyong kasalanan sa aking harapan.” Pamilyar si Hesus sa mga pahayag na ito ng Mga Propeta tungkol sa puno ng ubas.) Kaya naman sa Ebanghelyo ngayon, tinukoy ni Hesus ang kanyang sarili bilang tunay na puno ng ubas. Kung tayo ay patuloy na mananatili sa kanya bilang kanyang mga sanga, matamis at sagana ang ating pamumuhay. Dumating man ang mga pagsubok o krisis, makakayanan nating harapin at malalampasan ang mga ito dahil kaugnay natin si Kristo.// Kaisa tayo ni Hesus, kaisa natin ang lahat kay Kristo. Kung wala ang Diyos ay wala rin tayo. Kamatayan ang mamuhay sa kasalanan. Kamatayan ang maputol ang koneksyon sa Diyos. Amen.