Daughters of Saint Paul

MAYO 5, 2021– MIYERKULES SA IKA-5 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 15:1-8

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga sa akin; at pinupungusan naman niya’t nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga. Malinis na kayo dahil sa wikang binigkas ko sa inyo. Manatili kayo sa akin, ako naman sa inyo. Hindi makapamumunga ang sanga mula sa ganang sarili, malibang manatili ito sa puno ng ubas; gayundin naman, hindi kayo makapamumunga malibang manatili kayo sa akin. Ako ang punong ubas, kayo ang mga sanga. Kung may nananatili sa akin at ako naman sa kanya, namumunga siya ng sagana; ngunit kung hiwalay sa akin ay hindi ninyo kayang gumawa ng anuman. Kung may di nananatili sa akin, itatapon siya sa labas gaya ng sangang natuyo, na tinitipon at iginagatong sa apoy at nagliliyab. Kung mananatili kayo sa akin at mananatili naman sa inyo ang aking mga salita, hilingin ninyo ang anumang loobin ninyo at gagawin ko para sa inyo. Sa ganito pararangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ano ang status ng relationship mo ngayon kay Lord?  Ilan sa advantages na dulot ng makabagong teknolohiya at social media ay kinokonekta tayo nito sa isa’t-isa, saan dako man tayo ng mundo.  Pinapaliit nito ang distansya —- pinaglalapit tayo kahit sa virtual na paraan. Kaya nga’t dito rin nabubuo ang tinatawag na virtual relationships – LDR o long distance relationship. (Kung sa isang click, friends na tayo— ang iba konting chat, “mutual understanding” na sila o ang nauuso ngayong “walang label” — parang meron, pero wala. Kapag hindi umubra— isang click lang din, wala na, tapos na din ang relasyon.) Malungkot mang isipin, pero kalimitan o mas malaki ang posibilidad, na hindi tamatagal ang ganitong relationships dahil walang pundasyon at mababaw. (Marami rin ang nakakaramdam ng depresyon — dahil ibang-iba na ang realidad ng buhay.) Sa kabila nito, marami pa rin ang natutuksong manatili sa virtual na mundong ito, at sa virtual relationships. Mga kapatid, inaanyayahan tayo ni Hesus sa Mabuting Balita natin ngayon sa isang relationship na totoong-totoo… hindi virtual at lalong hindi Long Distance Relationsip. Tayo lang naman kasi ang malimit mang-iwan sa kanya sa iba’t ibang paraan at kadahilanan, kaya muli’t muli niya tayong inaanyayahan:  “Manatili ka sa akin…” At kahit na low bat at ma-off man ang lahat, at dumilim ang paligid sa buhay natin, garantisadong laging fully-charged ang pagmamahal, liwanag at pag-asang dulot niya sa atin. Kasi, lifetime at forever ang commitment ni Lord sa atin. Sa araw na ito, hilingin natin ang biyayang manatili sa kanya at palaging “in relationship” status kay Jesus.