EBANGHELYO: Jn 15:9-11
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko katulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Marissa Manigbas ng Institute of Our Lady of Annunciation o IOLA and pagninilay sa ebanghelyo. Maigsi lang ang Mabuting Balitang narinig natin, pero punong-puno ito ng mensahe ng pag-ibig. Malalim ang mensaheng ito, iniibig tayo ni Hesus kung paano sya iniibig ng Ama. Hay, ang sarap pakinggan… Si Hesus ang nagpapahayag ng kanyang damdamin sa atin. Sa isang katulad ko feel na feel ko ang mensaheng ito, dahil ganun din ang pagmamahal ko sa kanya. Pero ang pag-ibig na ipinapahayag ni Hesus ay hindi sa level ng feelings, kundi may kalakip itong responsibilidad. Sinabi nya “kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nanatili sa kanyang pag-ibig”. Naalala ko tuloy si mama, hindi sya “sweet” o malambing na nanay, pero kitang kita ko sa kanya na mahal na mahal nya kami. Ginagawa nya nang may pagmamahal ang mga simpleng gawain sa aming bahay; tulad ng pagluluto, paglalaba, at paglilinis. At kung paano nya ginagawa ang mga ito, gusto n’ya ganun din ang aming gagawin, at sinusunod naman namin sya, kaya masaya kami pagkatapos ng mga gawain at syempre may miryenda. Kaya lumaki ako na marunong sumunod sa kanya. Nakita ko rin ang wisdom n’ya habang ako’y lumalaki; ang pagsunod pala kay mama ay pagsunod din sa kalooban ng Diyos! At ito’y nagdudulot ng kagalakan sa akin hanggang ngayon. Mga kapatid, hindi lang tayo mahal ni Hesus, gustong-gusto N’ya rin na maging seryoso tayo sa pagsunod sa kanyang mga utos, para sa kaluwalhatian ng Ama. Isapuso at isabuhay nawa natin ang ating pag-ibig sa kanya. Nais n’ya na maging ganap ang ating kasiyahan.// Ngayong araw na ito, magandang balikan natin kung sinu-sinong mga tao ang nagbigay o hanggang ngayon ay nagbibigay ng pagmamahal sa atin. Pasalamatan natin sila sa pamamagitan ng ating panalangin at higit sa lahat, papurihan natin ang Ama na nagbigay ng mga taong ito sa atin.