Daughters of Saint Paul

MAYO 8, 2021– SABADO SA IKA-5 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 15:18-21

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung napopoot sa inyo ang mundo, alamin ninyo na ako muna bago kayo ang kinapootan. Kung kayo’y mula sa mundo, inibig na sana ng mundo ang sariling kanya. Ngunit napopoot sa inyo ang mundo dahil hindi kayo mula sa mundo kundi ako ang humirang sa inyo mula sa mundo. “Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo: ‘Walang utusang mas dakila sa kanyang panginoon.’ Hindi ba’t inusig nila ako? Uusigin din kayo. Tinupad ba nila ang aking salita? Gayon din nila tutuparin ang sa inyo. Dahil sa ngalan ko nila gagawin ang mga ito laban sa inyo, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagpadala sa akin.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Ebet Agustin ng Association of Pauline Cooperators ang pagninilay sa ebanghelyo.  Mula nang magsimula ang Kristiyanismo, ang mga tagasunod ni Hesus ay inuusig na. Si St. Stephen ay binato hanggang sa mamatay; at liban kay San Juan, ang mga Apostol ay naging mga martir. Ang mga unang Kristiyano ay inusig ng kapwa Hudyo at mga Romano… Noong Middle Ages at Protestant Reformation, ang mga hidwaan ay nauuwi sa karahasan. At mula 20th century hanggang sa kasalukuyan, umiiral pa rin ang pagpatay ng lahi ng mga Nazis at mga terorista, at mga state persecutions sa mga bansang tulad ng Myanmar, China, Iraq, Syria at maging sa Amerika. Masasabing sa buong kasaysayan, inuusig at pinapatay ang mga tagasunod ng ating Panginoong Hesus.  Kapatid, naranasan mo na bang kapootan dahil sa iyong pananampalataya kay Hesus? Tinutukso ka rin ba na “Baka ka lumagpas ng langit,” kung ikaw ay madasalin at palasimba? Nilalayuan o ina-unfriend ka ba, kung ikaw ay nagbabahagi ng iyong faith experiences araw-araw? Kung gayon, magalak ka! Dahil hinirang ka ni Hesus sa mundo, na makiisa sa kanyang pagdurusa. Ani Hesus, “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, dapat ninyong malamang napoot na ito sa akin bago sa inyo.” Pinagpala tayo, dahil kasama natin si Hesus sa pagdurusa. May kasabihang: Rejection is part of mission. Kaya sa kabila ng pag-uusig at pagtakwil ng mundo, ituloy natin ang ating misyon na ipalaganap ang pagmamahal at Salita ni Hesus. Huwag nating pansinin ang pangungutya ng mundo, kundi kumapit tayo sa krus ng ating Mahal na Panginoon. Ang katotohanang ito, ang paghuhugutan natin ng ginhawa sa oras ng pagsubok at pag-aalinlangan, kung tayo’y pinapahirapan ng mundo. We are God’s choice!  Magpakatatag at manalig tayo. Amen.