EBANGHELYO: Jn 15:26 –16:4
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kapag dumating ang Tagapagtanggol na aking ipadadala sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmula sa Ama, iyon ang magpapatotoo tungkol sa akin. Kaya naman sinasabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras ay matandaan ninyong sinabi ko ito sa inyo.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Nakaranas ka bang umasa sa pangakong napako? Bakit nga ba may mga taong mahilig mangako, kung wala pala itong balak tuparin? Pero bago yan, umpisa muna tayo sa mga taong marunong tumupad sa pangako. Masasabing siya ay katiwa-tiwala — may kredibilidad at integridad. Maari kang umasa sa kanila. Sila rin yung mga hindi madaling mangako kasi para sa kanila, sagrado ito. Kaya’t iniingatan nilang hindi masira, dahil importante sa kanila ang tiwala at ang tao mismong pinangakuan nila. Pero kapag ang isang tao naman ay kilala, sa hindi pagtupad ng mga pinangako – pansinin ninyo na sila ang napakadaling magbitiw ng mga tinatawag na empty promises. Ito yung mga tipong nangangako para mag-pa impress at makuha ang atensiyon at tiwala ng iba— pero wala sa loob na tupdin ito. Kapag naging ugali ng isang tao ang ganito, nawawalan ng integridad ang kanyang mga salita, lalo pa’t isang pangako ito. Mga kapatid, ang mabuting balita naman sa atin ngayon ay isa sa mga pangakong hindi napako. Ang pagpapadala ng Espiritu Santo sa atin para tuparin ang iba pang pangako ng Diyos —. Ito ang magpapatunay na si Hesus ay nanahan at patuloy na mananahan sa atin, lalo pa kung isasabuhay natin ang kanyang turo at salita. Nagpahiwatig din si Hesus na hindi ito magiging madali sa mga taong tatanggap ng pangakong ito — pero ito ay para sa katuparan ng isang mas malaking pangakong makakasama niya. Sa araw na ‘to, hilingin natin sa Diyos, ang biyayang makinig at sumunod sa instruction sa atin ng Holy Spirit na pinadala niya— para kahit gaano kahirap ang ating maranasan sa pagpapatotoo kay Hesus, mayroon naman tayong pag-asang buhay kasama siya — isang pangakong kahit kailan ay hindi mapapako.