EBANGHELYO: Jn 16:5-11
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: Ngayon na may papunta ako sa nagpadala sa akin at wala sa inyo ang nagtatanong sa akin kung saan ako papunta. Kundi tigib ng lungkot ang iyong puso sa pagsasabi ko nito sa inyo. Ngunit sinasabi ko ang katotohanan, makabubuti sa inyo akoy umalis, sapagkat kung hindi ako aalis hindi makakarating sa inyo ang tagapagtanggol. Kung aalis naman ako ipadadala ko sa inyo at pagdating niya hihiyain niya ang mundo sa paglalantad sa kasalanan sa daan ng pagkamatuwid at sa paghatol. Ito ang kasalanan hindi sila naniniwala sa akin, ito ang daan ng pagkamatuwid. Sa ama ako papunta samantalang hindi ninyo na ako makikita at hinatulan na ang pinuno ng mundong ito, ito ang paghatol.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Nimfa Ebora ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. (Ang lungkot namang malaman na aalis na pala ang taong mahal mo. Lalo na kung ang taong ito ang nagbigay ng direksyon sa buhay mo, o suporta mo sa mga oras ng kagipitan; yung taong pwede mong kausapin at hingan ng payo. O kaya, taong masarap lang talagang kasama dahil sa sobrang bait nya. Pero madalas, nababawasan ang lungkot pag nalaman natin na meron naman palang papalit sa kanya/ at ang taong ito ay para ding siya; masarap kasama, maaasahan, at matulunging kaagapay sa buhay.) Sa ating Mabuting Balita, ipinaaalam ni Hesus sa kanyang mga tagasunod at kaibigan na malapit na syang bumalik sa Ama. Alam ni Hesus na malungkot na balita ito para sa kanila. Kaya naman kaagad niyang ipinaliwanag na ang kanyang pag-alis ay para sa kanilang kabutihan. Kailangan niyang umalis para mabigyang daan ang pagdating ng panibagong magiging kasama nila kung wala na si Hesus — walang iba kundi ang Espiritu Santo. Kung paanong nag-stay si Hesus sa piling nila, gayundin naman, mananatili ang Espiritu Santo para tulungan sila. Ang papel ng Espiritu Santo ay hindi lang taga-aliw sa oras ng kagipitan at hirap…parang abogado din Siya sa mga alagad. Ang Espiritu Santo ang magtatanggol sa kanila sa kanilang pagharap laban sa pag-uusig ng mundo. Pero hindi lang magtatangol ang Espiritu Santo; lilitisin at huhusgahan din nito ang mundo dahil hindi sila naniniwala kay Hesus.// Tayong mga Kristiyano ay laging “nililitis” – inuusig, inaakusahan, ibinubuyo at inaalipin ng kasamaan. Pero hindi tayo dapat matakot dahil pinadalhan tayo ng ating Panginoong Hesus ng tagapagtanggol. Alam ni Hesus na kung iiwanan tayong mag-isa, hindi natin kayang ipagtanggol ang ating sarili. Kaya nga ipapadala nya ang Espiritu Santo.// Pasalamatan natin si Hesus dahil sa Espiritung gumagabay ay nagtatanggol sa atin. Sa panahon ng hirap at kagipitan, tawagin natin ang Espiritu para aliwin tayo, protektahan at tulungan.//
PANALANGIN
Panginoon, salamat sa iyong Espiritu na gumagabay at nagtatangol sa amin. Nawa, sa aming paglalakbay sa mundong ito, umasa sana kami, hindi sa aming sariling kakayanan, kundi sa Espiritu mong nagbibigay buhay. Amen.