EBANGHELYO: Jn 15:9-17
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko katulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo. Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa kaysa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya. Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan sapagkat hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan sapagkat ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga ninyo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin ninyo sa kanya sa Ngalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Eli Doroteo ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa Ebanghelyo. Mga kapatid, patuloy ang pagninilay natin sa Farewell Discourse; ang mga habilin ni Hesus sa mga alagad. Ang kanyang bagong utos ay – “magmahalan kayo tulad ng pagmamahal ko sa inyo!” Muli, inspired ako sa lyrics ng awiting “Service” na ganito ang unang bahagi – “We are made for service to care for each other, We are made to love each sister and brother, With love that will live through sorrow and pain, A love that will never die with strain.”// Kung susundan natin ang flow ng lyrics – bilang mga tagasunod ni Kristo, una sa lahat, tinawag niya tayo sa isang misyon na mahalin at paglingkuran ang kapwa bilang kapatid, kaibigan. Pagmamahal na “sagad to the bones” – hanggang sa huli – may forever! Malalaman lang na followers tayo ni Hesus kung naisasabuhay natin ang pag-ibig na ipinamalas niya. They will know that we are Christians by our love. (Bilang tagasunod ni Kristo – ito ang pangunahin nating misyon – ang magmahal. Kung nadama natin ang pagpapala at pagmamahal ng Diyos, tayo ay dapat maging blessing din sa iba. Tayong lahat, sa pamamagitan ng ating binyag, “we are all missionary disciples”. Ang hamon sa atin ng Panginoong Hesus ay ibahagi ang Mabuting Balita ng Kaligtasan sa lahat ng sulok ng mundo (Missio Ad Gentes – To the Nations). Ikaw, ako, tayong lahat ay may misyon na gawin itong ating mundo na maging kaaya-ayang tahanan para sa lahat.
PANALANGIN
Panginoon, igawad mo po sa aming lahat na nawa ang Mabuting Balita ang magdulot sa amin ng lakas na tuparin ang aming mga pangako noong kami ay binyagan para patuloy na kaming makasunod sa paanyaya ng Diyos na magmahal at maglingkod. Amen.