EBANGHELYO: Jn 16:23-28
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin, sapagkat talagang sinasabi ko sa inyo na anumang hilingin n’yo sa Ama sa Ngalan ko, ay ipagkakaloob n’ya sa inyo. Wala pa kayong nahiling sa Ngalan ko. Humingi kayo ngayon at tatanggap kayo at malulubos ang kagalakan ninyo. Sa paghahambing ko lamang ipinahayag sa inyo ang mga ito. Ngunit palapit na ang oras na hindi na ako gagamit ng paghahambing kundi tahasan ko nang ihahayag sa inyo ang tungkol sa Ama., Sa ngalan ko kayo hihiling sa araw na ’yon; hindi ko ibig sabihin na hihingi ako sa Ama alang-alang sa inyo ngunit mismong ang Ama ang umiibig sa inyo dahil umiibig kayo sa akin at naniniwala na mula ako sa Diyos. Galing ako mula sa Ama at dumating sa mundo. Muli kong iniiwan ang mundo at papunta sa Ama.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Ebet Agustin ng Association of Pauline Cooperators ang pagninilay sa ebanghelyo. Sa Mabuting Balita ngayong araw, hinihikayat tayo na humingi sa Diyos Ama sa ngalan ng Panginoong Hesus upang malubos ang ating kaligayahan. Dahil si Hesus at Diyos Ama ay iisa, sa pamamagitan ng Diyos Espiritu; tayo ay iisa rin kay Hesus dahil Siya ay ating Kapatid. Kung kaya, kapag tayo’y nagdasal at humingi sa ngalan ni Hesus, madalas tayo sagutin kaagad. Pero papano na kung tayo ay nagdasal na nang masinsinan at hindi pa rin natin nakamtan ang ating hinihiling?// Sa pagkakataong ito kapatid, pagtuunan natin ng pansin ang isang katotohanang ibinahagi rin ni Hesus sa atin: na mahal tayo ng Diyos Ama. Hayaan nating tumimo sa ating puso and paniniwalang ito: “Mahal ako ng Diyos Ama!” Marahil ngayon, ang ating panalangin ay magkaroon ng ibang pananaw, ngayong alam na natin na mahal tayo ng Diyos Ama. Maari na tayong magdasal at ialay sa Kanya ang ating mga alalahanin, nang hindi natin idinidikta kung paano sila malulutas. Kahit ang ating mga dalangin ay hindi nasagot, o nasagot sa paraan na hindi naman naaayon sa ating kagustuhan, isipin natin na walang panalangin, tulad ng pagmamahal, ang humahantong sa kawalan. Ang tunay na biyaya ng panalangin ay ang pagmamahal ng Ama. At ang pananalig na ibibigay sa atin ng Ama kahit ano pa man ang ating hilingin, kung ito ang makakabuti sa atin.
PANALANGIN
Panginoong Diyos Ama, binibitawan ko ang pagnanais ko sa siguridad at pamamayani ng aking kagustuhan. Iniaalay ko ang aking puso sa Iyong pagmamahal. Nawa’y ang kalooban Mo, at hindi ang kalooban ko ang masunod, Amen.