EBANGHELYO: Jn 17:11-19
Tumingala si Hesus sa langit at nagsalita “wala na ako sa mundo ngunit nasa mundo pa sila, habang papunta ako sayo Amang banal ingatan mo sila sa ngalan mo na ipinagkaloob mo sa akin upang maging isa sila gaya natin”. Ng kasama nila ako iningatan ko sila sa ngalan mo, at pinangalagaan ko sila at wala sa kanilang napahamak maliban sa nagpahamak sa kanyang sarili. Marapat ngang maganap ang kasulatan at ngayon bago ako pumunta sayo, sinasabi ko ito sa mundo upang malubos sa kanila ang aking galak. Ipinagkaloob ko sa kanila ang iyong salita, at mapuot sa kanila ang mundo. Sapagkat hindi sila mula sa mundo gaya ng hindi ako mula sa mundo. Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa mundo kundi pangalagaan mo sila sa masama. Hindi sa mundo sila galing gaya ng hindi ako sa mundo galing pabanalin mo sila sa katotohanan ang wika mo ay katotohanan. Kagaya ng akoy sinugo mo sa mundo, gayon din naman sinugo ko sila sa mundo, at alang alang sa kanilay kinababanal ko ang aking sarili upang pati sila’y pakabanalin sa katotohanan.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Narci Peñaredonda, ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa Ebanghelyo. Ang pagdarasal ay malaking bahagi ng ating buhay; lagi rin tayong humihingi ng dasal sa iba. Ano kaya ang mararamdaman mo kapag si Hesus ang nagdarasal para sa iyo? Malakas ang dating ng Mabuting Balita sa araw na ito. Hiniling ni Hesus sa Ama na “pabanalin Niya sa katotohanan ang mga sumusunod sa kanya”// Ito ang totoo: nilikha ng Diyos ang tao na kawangis Niya: sa dignidad, sa kabutihan at sa kabanalan. Pero ito’y nawala dahil sa pagsuway ni Adan at ni Eba. Sa Sakramento ng Binyag sinisimulang ibalik sa atin ng Diyos ang nawalang dignidad, kabutihan at kabanalang likas na sa ating mga tao. Sa rito ng Binyag, dinadasal ng pari na nawa ang tainga ng bininyagan ay mabuksan upang makapakinig sa Salita ng Diyos at ang kanyang bibig ay mabuksan upang bumigkas ito ng Salita ng Diyos. Mga kapatid, sa binyag ibinibigay sa atin ng Panginoon ang grasya upang tayo ay muling mamulat sa kabanalang una nating matatagpuan sa Salita ng Diyos, sa Mabuting Balita ng Panginoon na laging humahamon sa ating patuloy na kilalanin si Kristo. Ang malalim na pagkilala kay Hesus ang magbubukas sa pagkilala natin sa ating mga sarili. At ito ang katotohanang magpapabanal sa atin; ito ang magpapalakas sa atin upang isabuhay ang mga turo at aral ni Kristo upang tayo ay maging tunay na banal. Amen.