EBANGHELYO: Jn 21:15-19
Nagpahayag si Hesus sa kanyang mga alagad nang makapag-almusal sila, sinabi ni Hesus kay Simon Pedro: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako nang higit pa sa mga ito?” “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” “Pakanin ang aking mga kordero.” “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” “Akayin mo ang aking mga tupa.” “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” “Iniibig mo ba ako?” “Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng lahat; alam mong iniibig kita.” “Pakanin mo ang aking mga tupa. Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, nang bata-bata ka pa, nagbibigkis ka sa iyong sarili at palakad-lakad ka saan mo man loobin. Ngunit pagtanda mo’y ididipa mo naman ang mga kamay mo, at iba ang magbibigkis sa iyo at magdadala sa ayaw mo.” Tinukoy naman ito ni Hesus bilang pananda sa paraan ng kamatayang ipanluluwalhati ni Pedro sa Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya: “Sumunod ka sa akin!”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Eli Doroteo ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa Ebanghelyo. Mga kapatid, narinig natin sa Mabuting Balita ang pagpapakita ni Hesus sa pitong alagad sa dalampasigan ng Dagat Tiberias. Nangyari ang tagpong ito pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay.//Ano kaya ang iniisip ni Pedro sa tagpong ito na tatlong beses siyang tinanong ni Hesus, kung mahal niya ang Panginoon? Alam natin na tatlong beses din niyang sinabi na mahal niya ang Panginoon, pero nagdamdam siya doon sa ikatlong yugto ng pagtatanong. Kaya nasabi niya – “Lord, you know everything; you know that I love you.” Sa sagot ni Pedro, dama natin iyong pagpapakumbaba – ibang Pedro ngayon ang kausap ni Hesus – hindi na iyong dating Pedro na sigurado sa kanyang sarili. Dito sa mga sagot niya, binigyan niya ng puwang si Hesus na basahin ang nilalaman ng kanyang puso! Alam na ni Pedro ang kanyang imperfection at hinayaan niyang si Hesus na lang ang sumagot. Dito sa encounter na ito ng Panginoon at ni Pedro, makikita natin ang isang bagong Pedro – hindi na ang dating mangingisda, kung hindi isang pastol ng simbahan na itinatag ni Kristo.
PANALANGIN
Panginoon, loobin mo po na huwag akong manghinawang humingi ng kapatawaran. Nawa patuloy ko ring patawarin ang aking sarili at ang aking kapwa. Amen.