EBANGHELYO: Jn 21:20-25
Paglingon ni Pedro, nakita n’ya na sumusunod ang alagad na mahal ni Hesus, ang humilig sa dibdib n’ya noong hapunan at nagtanong: “Panginoon, sino ba ang magkakanulo sa iyo?” Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi n’ya kay Hesus: “Panginoon, ano naman ang mangyayari sa kanya?” Sinabi ni Hesus: “Kung loobin ko s’yang manatili hanggang ako’y pumarito, anong pakialam mo? Sumunod ka sa akin!” Dahil dito’y may lumaganap na paniwala sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito pero hindi naman sinabi ni Hesus: ‘Hindi mamamatay’ kundi ‘kung loobin ko s’yang manatili hanggang sa aking pagdating.’ Ito ang alagad na nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at sumulat ng mga ito. Alam namin na totoo ang kanyang pagpapatunay. Marami pang ibang ginawa si Hesus, na kung masusulat ang mga iyon nang isa-isa, sa tantiya ko’y di magkakasya sa mundo ang mga isusulat na mga aklat.
PAGNINILAY
Isinulat ni Ebet Agustin ng Association of Pauline Cooperators ang pagninilay sa ebanghelyo. May mga araw ba na ang pakiramdam mo, walang pakay o direksyon ang iyong buhay? Feeling mo na parang ginugulo ka ng tukso at nalilihis ang iyong daan… gulong-gulo ang iyong isip at kalooban at hirap kang mag focus… Pero sapat na dahilan ba ang mga ito upang tumalikod ka sa pagsunod kay Hesus? Pagnilayan natin kung kailan tayo hinihila na palayo sa pagsunod kay Hesus. Kung tayo ba ay nakatuon sa ibang tao o pangyayari? Sa chismis o inggit? Sa YouTube o Netflix? Sa takot na magkasakit ng Covid, mawalan ng trabaho, o magutom na nagiging sanhi ng ating kapighatian? Mga kapatid, nasa Ebanghelyo ngayon ang mga katagang “ang alagad na mahal ni Hesus”. Sa buhay mo ngayon, maituturing mo ba ang iyong sarili, na isa sa mga alagad na mahal ni Hesus? Naranasan mo ba at naramdaman sayong puso ang pagyakap at pagmamahal ni Hesus? Pakinggan natin si Hesus na nag-aanyaya sa atin ngayon, na sumunod sa Kanya. Ang mahalin si Hesus ay ang pagsunod sa Kanya. At kung tayo ay nakatutok sa pagsunod kay Hesus, hindi tayo malilihis sa pakay ng ating buhay. Si Hesus ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Sundin natin Siya.