EBANGHELYO: Jn 19:25-27
Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Hesus sa ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo’y tinanggap siya ng alagad sa kanila. Pagkaraan nito, nakita ni Hesus na natupad na ang lahat ngunit kailangang maganap ang isa pang kasulatan at sinabi n’ya: “Nauuhaw ako.” May sisidlan naman doon na puno ng mapait na alak kaya ikinabit nila sa isang isopo ang esponghang ibinabad sa alak at idiniiti nila sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi n’ya: “Natupad na.” At pagkayuko ng ulo, ibinigay n’ya ang espiritu. Ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pahinga. Paghahanda ng Paskuwa noon, kaya mas dakila pa ang Araw na iyon ng Pahinga. At hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin ang mga bangkay. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at pati ng ikalawa na kasama niyang ipinako sa krus. Pagsapit naman nila kay Hesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran at umagos ang dugo at tubig. Ang nakasaksi ang nagpapatunay, at totoo ang kanyang patunay. At siya ang nakaaalam na totoo ang kanyang sinasabi kaya maniwala kayo.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Isa sa pinakamalungkot na experience ng pamilya namin ay nung mamatayan ako ng kapatid. Nasabi ng nanay ko na hindi raw dapat naglilibing ang magulang ng anak, dahil ito na ang pinakamasakit na puwedeng danasin lalo na ng isang ina. Nakita ko na sobra siyang nasaktan, pero kakaiba rin ang tapang at lakas na ipinakita niya, habang pilit niya itong hinarap at tanggapin. Naisip ko noon na espesyal talaga ang puso ng ina – siya lang ang makakaramdam ng ganitong sakit na mawalan ng anak na iniluwal at pinalaki niya, pero nagiging malakas ito sa mga ganitong pagkakataon. Sa pagbasa natin ngayong araw, gusto kong tawagin itong pagpupugay at pag-alala sa mga ina na may ganitong karanasan. Huwaran ang dakilang puso ni Maria na nagpakita ng kakaibang lakas ng loob para matiis ang lahat ng sakit habang nakikita niyang naghirap hanggang sa kahulihang paghihintay ng kamatayan ng kanyang anak. Sa katuparan ng plano ng pagliligtas ng Diyos, buong pusong sumunod siya sa kalooban ng Diyos at buong pusong sinamahan ang anak man ng Diyos—- pero sa kanya bilang ina ay kaisa-isang anak na galing sa kanyang sinapupunan. Ang pagpapaubaya niyang ito ay nagbunga ng paghahabilin ni Hesus sa kanya na maging ina nating lahat — inang kasama natin sa lahat ng pagsubok at paghihirap sa buhay. Sa araw na ito, papurihan at pasalamatan natin ang Diyos sa ating mga ina at kay Maria na Ina ng Simbahan at Samabayanang Kristiyano.