EBANGHELYO: Mk 10:28-31
Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa iyo.” Sinabi ni Hesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: walang nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo na walang gantimpala. Tatanggap nga siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan, mga kapatid, mga ina at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga pag-uusig, at sa panahong darating nama’y makakamit n’ya ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Nimfa Ebora ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Tandang tanda ko pa ang mga reaksyon ng mga tao noong malaman nilang papasok ako sa pagmamadre. Merong mga masaya para sa akin, dahil alam nila na hindi para sa lahat ang ganitong bokasyon. Masaya sila dahil ginusto kong ialay ang aking buhay sa pananalangin at paglilingkod. Yung iba naman ay nagdududa/ kung makakayanan ko ba talagang mag-stay sa buhay na ito/ dahil iniisip nilang malungkot/ dahil tahimik lagi ang kumbento/ at kelangang sumunod lagi sa oras na itinakda para sa mga gawain at mga dasal/ o kaya nama’y dahil kelangan sumunod sa superior. Natatandaan ko rin na may nagsabi sa akin/ na para na akong patay/ pag pumasok ako sa kumbento/ dahil iiwanan ko na ang pamilya ko at di ko na sila matutulungan/ at ako mismo ay di na magkakaroon ng aking sariling pamilya.// Pero, buo ang loob ko na itutuloy ko ang pagpasok sa kumbento/ dahil sa puso ko, iba ang nararamdaman at paniniwala ko… at ang paniniwalang ito ay binibigyang tinig ng ating mabuting balita ngayon: “Ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Mabuting Balita, ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan.”// Buhay na buhay ang mga salitang ito sa aking puso hanggang ngayon dahil napatunayan ko na hindi magkukulang ang sinumang mag-alay ng buong buhay sa Panginoon. (Wala nga akong sariling bahay, pero may tahanang laging tumatangap sa akin/ tuwing pupunta ako sa ibang lugar para sa aking misyon. Di ko man laging kapiling ang aking pamilya – naging pamilya ko naman ang buong simbahan. Ngayon, mas marami na sila dahil ang lahat ay naging nanay, tatay, at mga kapatid ko. Oo, wala akong kayamanan o lupain, pero mas yumaman ako sa mga katangiang magdadala sa akin sa buhay na walang hanggan. At saka, oo, may pag-uusig din… pero ang mga paghihirap na ito ay parte na ng aking pakiki-isa kay Kristo na naghirap at namatay para sa ating kaligtasan.) Kaya mga kapatid, hwag sana tayong matakot na iwan ang lahat para sumunod kay kristo/ dahil hindi natin mahihigitan ang generosity ng ating mapagbigay at mapagpalang Panginoon. Amen.