EBANGHELYO: Mk 10:32-45
Sa paglakad ng mga alagad paahon sa Jerusalem, nanguna si Hesus at nagtaka sila. Natakot naman ang mga kasunod nila. Muli niyang isinama ang Labindalawa at habang nasa daan ay sinimulan niyang sabihin sa kanila ang mga sasapitin niya: “Tingnan ninyo, papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga Punong-pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanya ng kamatayan. Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano. Pagtatawanan nila siya, luluraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit babangon siya pagkatapos ng tatlong araw.” Lumapit noon kay Hesus sina Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo, at sinabi sa kanya: “Guro, gusto sana naming gawin mo ang hihingin namin sa iyo.” “Ano ang gusto n’yong gawin ko?” “Ipagkaloob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman sa kaliwa mo.” “Talagang hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Maiinom ba ninyo ang kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin?” “Kaya namin.” “Totoong iinom din kayo sa kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin. Ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Inihanda ito para sa iba.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila kina Jaime at Juan. Kaya tinawag sila ni Hesus, at sinabi sa kanila: “Nalalaman ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Huwag namang ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo, ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Emma Lusterio ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo. “Nabubulag ka ba sa mga makasarili mong ambisyon?” (Marami sa atin ang may ambisyong maging “superstar o maging sikat” at nauuna sa iba’t – ibang uri ng pagiging makasarili.) // Mga kapatid, suriin natin ang ating mga sarili, dahil minsan nabubulag at nagiging bingi tayo sa katotohanan. Sa halip na tayo’y maglingkod sa kapwa, gusto nating tayo ang paglingkuran, sa pamayanan man ito o sa mga “Church Organizations”.// Para sa akin hindi po masamang mangarap, dahil ito ang nagbibigay sa atin ng inspirasyon upang magsumikap para matupad ang pinapangarap. Sa ating Mabuting Balita, pinapaalalahanan tayo ng ating Panginoong Hesus “Na ang tunay na dakila ay ang naglilingkod na walang pasubali. Naglilingkod nang may kababaang loob, at higit sa lahat bukas sa ano mang hamong dumarating sa buhay”.
PANALANGIN
Mahabaging Ama, maraming salamat po sa mga biyayang ipinagkaloob Nyo sa amin. Puspusin mo po kami ng iyong Banal na Espiritu upang ang aming mga pangarap o ambisyon ay magsilbing inspirasyon sa aming paglalakbay. Marapatin mong maging laging bukas ang aming mga puso’t isipan sa katotohanan upang makamtan namin ang mga minimithi para sa ikabubuti ng lahat. Hinihiling namin ito sa Ngalan ng aming Panginoong Hesukristo. Amen.