EBANGHELYO: Mk 11:11-26
Dumating si Hesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo. Minasdan niya ang lahat at dahil magdadapithapon na, bumalik siya sa Betania kasama ang Labindalawa. Kinaumagahan, paglabas nila sa Betania, nagutom siya. Nang mapansin niya sa malayo ang isang puno ng igos na may mga dahon, nilapitan niya iyon kung makakita siya roon ng anuman. Ngunit paglapit niya, wala siyang natagpuang anuman kundi mga dahon lamang. Hindi nga panahon ng igos. Kaya sinabihan niya ang puno: “Wala nang bungang makakain mula sa iyo magpakailanman.” At narinig ito ng kanyang mga alagad. Pagkarating ni Hesus sa Jerusalem, pumasok siya sa Templo at sinimulan niyang palayasin ang mga nagtitinda at bumibili sa patyo ng Templo. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati. At hindi niya pinayagan dumaan sa Templo ang may dalang anumang bagay. Tinuruan niya sila at sinabi: “Hindi ba nasusulat, na tatawaging bahay-dalanginan para sa lahat ng bansa ang aking bahay? Ngunit ginawa ninyo itong kuta ng mga magnanakaw.” Nabalitaan naman ito ng mga Punong pari at mga guro ng Batas at hangad nila s’yang iligpit. Takot nga sila sa kanya sapagkat namamangha ang lahat sa kanyang pagtuturo. At nang hapon na, muli silang lumabas ng lunsod. Pagbalik nila kinaumagahan, nakita nilang natuyo. hanggang-ugat ang punong-igos. Kaya naalala ni Pedro ang tungkol dito at sinabi niya: “Guro, natuyo ang isinumpa mong punong-igos.” At nagsalita si Hesus sa kanila: “Sumampalataya kayo sa Diyos. Sa totoo lang, sinasabi ko sa inyo: kung may magsasabi sa bundok na ito: ‘Tumayo ka’t itapon mo ang iyong sarili sa dagat!’ at wala siyang alinlangan kundi naniniwala siyang mangyayari ang kanyang sinasabi, mangyayari ito sa kanya. Kaya’t sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin n’yo sa panalangin, sumampalataya kayo na natanggap na ninyo at tatanggapin ninyo. At pagtindig ninyo sa pananalangin magpatawad kayo kung meron kayong sama ng loob kaninuman, sa gayo’y patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit sa inyong mga kasalanan.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Eli Doroteo ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo. Nagalit ang Panginoong Hesus sa dalawang pagkakataon sa narinig nating ebanghelyo. Una, dahil sa ang puno ng igos (fig tree) ay walang bunga. Ikalawa, dahil nilapastangan ng mga tao ang bahay-dalanginan o templo, ang simbolo ng presensya ng Diyos… Panawagan ito, na sa ating pananampalataya, kailangan nating humayo at mamunga, at ikalawa, kailangang pahalagahan natin ang bahay-dalanginan.// (Sinabi rin ni Hesus – “Ang sino mang magsabi sa bundok na ito, Mapataas ka at mapalipat ka sa dagat” – in faith, ito ay mangyayari. Parang sinasabi sa atin ng Panginoon na kumapit tayo at maniwala sa kapangyarihan ng dasal; lalo na kung bibigyan natin ito ng tamang panahon at disposisyon. Sa dasal, makakatagpo natin ang Diyos at tayo’y mananahan sa kanyang piling.//) Mga kapatid, ang lahat ng mga ito ay magkakaugnay! Bilang mga tagasunod ng Panginoong Hesus, hinihimok tayo na pagyamanin ang ating pananampalataya. Sa taong may paniniwala sa presensya ng Diyos sa kanyang buhay, lahat ay posible. Pananampalataya at presensya ng Diyos ang mga sangkap sa wastong kalagayan ng panalangin. Sa dasal na Ama Namin matutunghayan natin ang lahat ng mga ito.
PANALANGIN
Ama namin, sumasalangit Ka. Sambahin ang ngalan Mo. Mapasaamin ang kaharian mo Sundin ang loob Mo dito sa lupa para nang sa langit. Bigyan Mo kami ng aming kakanin sa araw-araw, At patawarin Mo kami sa aming mga sala, Para nang pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin. At huwag Mo kaming ipahintulot sa tukso. At iadya Mo kami sa lahat ng masama. Amen