Daughters of Saint Paul

HUNYO 3, 2021 – HUWEBES SA IKA-SIYAM NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mk 12:28–34

May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo ni Jesus at ng mga Sadduseo. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Jesus: “Ito ang una: ‘Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong nating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas.’ At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa sa   mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa Kanya. At nang mahalin Siya ng buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas na magtanong sa kanya.

PAGNINILAY

Isinulat ni Bro. Samy Torrefranca ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Pag-ibig. Pagmamahal. Ito ang pinakamahalagang utos ng Diyos para sa ating lahat, ang ibigin siya ng buong puso, kaluluwa, isip at lakas. At ibigin din ang kapwa gaya ng pagmamahal natin sa ating mga sarili. Tandang-tanda ko pa, sampung taon na rin ang nakalilipas noong ako’y nagturo sa isang pamantasan sa Lapu-lapu City, Cebu.  Naibahagi ko sa mga estudyante ko, na ang dalawang pinakamahalagang utos na ito ay simbolo o larawan ng Krus ni Kristo. Ang pagmamahal sa Diyos ay ang patayong guhit o vertical line – nagpapakita ito ng relasyon natin sa Diyos, relasyon na punong-puno ng tiwala at lakas, na kahit ano mang pagsubok na dumating, nakaugat tayo sa kanyang pagmamahal at lumalago ito araw-araw. Ang pahalang na guhit naman o horizontal line ay naglalarawan ng relasyon natin sa ating kapwa – kung paano natin sila pinakikitunguhan, tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili. Ito yung pakikitungo na dumadaloy mula sa ugat ng relasyon natin sa Diyos. Naibabahagi at naipapakita natin ito sa ating sarili at sa ating kapwa. Ito nga siguro nga Krus na sinasabi ng Diyos na dapat natin pasanin araw-araw para sa ating kaligtasan. Binubuo ng dalawang pinakamahalagang utos na ‘to, ang simbolo ng ating kaligtasan. Kapatid, “handa ka bang tumugon sa panawagang mamuhay sa pag-ibig araw-araw?