Daughters of Saint Paul

HULYO 14, 2021 – MIYERKULES SA IKA -15 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 11:25-27 

Nagsalita si Hesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita, Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Anthony Capirayan ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Noong Pastoral Exposure ko po sa Samar, inassign po ako doon sa isa mga pinakamalayong baryo ng Catarman. Naaalala ko po pagkatapos ng hapunan, ang hapunan po namin doon ay bandang ala-singko y media ng hapon, pumupunta po ako doon sa kapit-bahay ng tinutuluyan ko para manood ng TV kasama ang buong pamilya. At kahit na ang lahat ay nakatutok doon sa TV, pagpatak ng ala-sais nang gabi, tatayo ang isa sa mga bata at papatayin ang TV. Kasama ang apat pa niyang mga kapatid, luluhod sila doon sa harap ng kanilang maliit na altar ang magdarasal ng Angelus. At tatapusin nila ang kanilang maikling dasal ng pasasalamat sa Diyos.  Alam niyo po, pagkatapos ng dalawang buwan ko pong exposure doon, napagtanto ko na imbes na ako ang magturo sa kanila ang katesismo, sila pa mismo, lalong-lalo na ang mga bata, ang nagturo sa akin tungkol sa buhay at tungkol sa Diyos. Sa ating ebanghelyo ngayon sinabi ni Hesus, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at inihayag mo naman sa mga may kaloobang tulad ng sa bata.” Kahit na sa kanilang murang edad, para bagang naunawaan na ng mga batang iyon kung ano ang tunay na layunin na buhay: na papurihan, pagpitagan, at paglingkuran ang Diyos. Minsan sinasabi po natin, “With age comes wisdom.” Pero parang hindi naman talaga totoo yan, dahil merong ibang tao na “tumatanda nang paurong.” Kaya hilingin sa Diyos na habang tayo’y tumatanda sana tayo din ay may pinagkatandaan: lumalalim ang ating pananampalataya, tumitindi ang ating pagmamahal, at mas nagiging mapagpasalamat tayo katulad ng mga bata. Amen.