Daughters of Saint Paul

HULYO 15, 2021 – HUWEBES SA IKA -15 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 11:28-30

Sinabi ni Hesus: “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawain ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Anthony Basa ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Kapatid, ikaw ba ay nihihirapan na sa sitwasyon mo ngayon?  Mabigat na ba ang iyong dinadala at dinaranas ng iyong pamilya lalo na sa panahong ito ng pandemya?  Huwag ka nang mag-alala dahil inaanyayahan ka ni Hesus na lumapit sa kanya!  Patuloy tayong tinatawag at inaanyayahan ng Diyos/ dahil hangad niya na tayo’y mapabuti at maginhawaang lagi.  Nais din ng Diyos na matuto tayo sa Kanyang kababaang-loob at pagka-mahinahon. Kailangan natin ang kababaang loob upang tanggapin na tayo’y nangangailangan ng tulong, at hinahon sa pagharap sa ano mang sitwasyon dahil ito ay bunga ng pananalig.   Hindi ba’t mas gumagaan ang ating bitbit o dinadala kapag mayroon tayong karamay o kasama?  Kaya, kung meron man na mas mahalaga tayong kailangan matutunan mula sa ating Panginoon, ito ay ang pagdadamayan at pagtutulungan.  Isinasalarawan ito ng isang mahalagang yaman ng ating kulturang Pilipino na “bayanihan” na karaniwan nating nakikita sa sama-sama at tulong tulong na pagpapasan ng isang bahay/ upang madali itong mailipat.  Sa panahon ngayon, ang espiritu ng bayanihan ay makikita natin sa “community pantry”/ na umusbong sa buong bansa/ upang makatulong na gumaan ang hirap ng buhay ng ating mga kababayan. Sa ating mundo na talamak ang ‘indibidwalismo’ o kultura ng ‘pagka kanya-kanya’,  itinuturo sa atin ng Mabuting Balita na mayroon tayong responsibilidad para sa kapakanan ng mga taong  nasa paligid natin, at mahalin ang Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal natin at malasakit  sa ating kapwa.  Sinabi ni San Pablo sa mga taga Galasya: Dalhin ninyo ang mga pasanin ng isa’t isa, at sa gayon ninyo matutupad ang batas ni Kristo. Bilang mga miyembro ng sambayanang Kristiyano, at pamilya ng Diyos, ang kapakanan ng bawa’t isa ay ating inaalala. Mga kapatid, mayroon ka bang kapitbahay o kakilala ng mayroong mabigat na pasanin at maaari mong matulungang maiangat ngayon? Ano pa ang hinihintay mo?