Daughters of Saint Paul

HULYO 16, 2021 – BIYERNES SA IKA -15 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 12:1-8

Naglakad si Hesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. Nagutom ang kanyang mga alagad at sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kainin ‘yon. Nang mapansin ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Hesus: “Tingnan mo ang iyong mga alagad, gumagawa sila ng ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga!” Ngunit sumagot si Hesus: “Hindi n’yo ba nabasa ang ginawa ni David noong magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal sa kanya o sa kanyang mga kasama na kainin ito liban sa mga pari. At hindi n’yo ba nabasa sa Batas na sa Araw ng Pahinga, walang pahinga ang mga pari sa Templo pero wala silang kasalanan dahil dito? Sinasabi ko naman sa inyo: Dito’y may mas dakila pa sa Templo. Kung nauunawaan n’yong talaga ang salitang ito, ‘Awa ang gusto ko, hindi handog,’ hindi n’yo sana hinatulan ang walang-sala. At isa pa, ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pahinga.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Lucia Olalia ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ang Sabbath ay araw ng pamamahinga at pagsamba sa Diyos. Noong panahon ni Hesus madalas Siyang pinagbibintangan na hindi sumusunod sa batas na ito. Isang halimbawa, ang narinig natin sa Mabuting Balita ngayon. Tinuturuan tayo ni Hesus ng tunay na diwa ng batas na ito. Sinabi din Niya na “ang batas ay nilikha para sa tao at hindi ang tao para sa batas. Ang batas ay nilikha para sa kabutihan ng lahat.// Nilikha tayo ng Diyos na kawangis Niya at isinulat Niya sa ating mga puso ang Kanyang batas-na ibigin Siya, higit sa lahat at ang ating kapwa tulad ng Kanyang pagmamahal sa atin. Igalang din natin ang batas ng Kalikasan, na Kanya rin nilalang para sa tao. Kung tinatanggap natin ang batas nang may pagmamahal, ito ay magaan, hindi ito mabigat dahil sa mas malalim na kahulugan nito para sa atin.// Mga kapatid, anong tingin ninyo sa batas lalo na ang Sampung Utos ng Diyos? Masunurin ka ba o isa kang pasaway? Magsumikap tayong maging law abiding citizens of heaven and earth, may nakakakita man o wala.// 

PANALANGIN

Panginoong Hesus turuan mo po kaming mahalin ka, ang aming kapwa at ang kalikasan sa isip, sa salita at sa aming mga gawa.  Amen.