Daughters of Saint Paul

HULYO 17, 2021 – SABADO SA IKA -15 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 12:14-21

Pagkalabas ng mga Pariseo, nag-usap-usap sila kung paano nila masisiraan si Hesus. Nalaman ito ni Hesus kaya lumayo siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya. Pinagaling niya ang lahat ng maysakit ngunit inutusan niya sila na huwag siyang ipamalita. Kaya natupad ang sinabi ni Isaias, ang propeta: “Narito ang utusan ko na aking pinili, ang mahal ko na siya kong kinalulugdan. Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu at siya ang magpapahayag sa mga bansa ng aking mga pasya. Hindi siya makikipagtalo o sisigaw, hindi maririnig sa mga liwasan ang kanyang tinig. Hindi niya babaliin ang sugatang tangkay o papatayin ang aandap-andap na mitsa. Hindi siya titigil hanggang magwagi ang katarungan. Ang kanyang pangalan ang inaasahan ng lahat ng bansa.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Ester Bagac ng Institute of our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo.  May mga pangyayari sa ating buhay, na kahit gaano tayo magpakabuti sa kapwa, meron at meron pa rin talagang hindi natutuwa sa atin. Meron pa ring nagagalit dahil sa inggit, at gusto pang pumatay sa taong mabuti ang hangarin sa kapwa. Ganito ang nangyari sa ating Panginoon, sa kabila ng kanyang mga mabuting ginagawa, gusto pa S’yang ipapatay. Kaya minabuti N’yang umalis, hindi dahil takot S’ya, pero ang totoo, hindi pa iyon ang tamang panahon. Hindi pa tapos ang kanyang misyon sa lupa. Ang magpahayag ng Mabuting Balita at Magpagaling ng mga may sakit.// Naalala ko ang una kong trabaho. Maganda ang hangarin kong makatulong sa kapwa ka-opisina at lalo na sa immediate boss ko. Kaya kahit ano ang iutos sa akin, ay masaya kong gigagawa. Maganda ang pakikitungo ko sa mga ka-opisina ko at marami akong naging kaibigan. Magiging regular na sana ako sa opisinang iyon, pero, sa kasamaang palad, may taong may masamang balak sa akin, at kung hindi pa ako umalis sa opisinang iyon, baka masira ang aking kinabukasan.//  Itinuring ko ang pangyayaring iyon na paraan ng Diyos upang maging matatag at matapang ako sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay. Ang Diyos ang naggabay at nagdala sa akin sa tamang lugar, kung saan narinig ko S’yang muli sa aking bagong trabaho. Ngayon, wala na akong takot at pangamba, dahil alam kong hindi N’ya ako pababayaan. Bilang Annunciatina, isinugo ako ng Diyos upang maglingkod sa Pamilya at sa kapwa.