EBANGHELYO: Mt 13:1-9
Umalis sa bahay si Hesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit maraming tao ang natipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. At marami siyang ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. At sinabi ni Hesus: “Lumabas na ang maghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyot ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga!”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Oliver Mary Vergel O. Par, ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Minsan mo na rin bang sinisi ang Diyos sa mga kamalasang nangyayari sa iyong buhay? Teka muna, baka naman hindi mo man lang tinanong ang iyong sarili kung ikaw din ay may pagkukulang sa kanya.// Hindi nagkulang ang Diyos sa atin sa mga pangangailangan natin sa buhay. Ang totoo nga’y nag-uumapaw sa biyaya ang ibinibigay sa atin ng Diyos, kung hindi man sa materyal, pinauulanan naman niya tayo ng kanyang pagkalinga sa iba-ibang paraan. Kadalasan ang mga hindi kaaya-ayang pangyayari sa ating buhay ay resulta ng ating mga maling desisyon. Madalas kasi hindi natin isinasama ang Diyos sa ating pagdedesisyon, sapat na para sa atin ang pakinggan ang ating sariling interes at sariling pangangailangan. Sarado ang ating puso upang pakinggan ang sinasabi sa atin ng Diyos.// Mga kapatid, hindi madamot ang Diyos, tayo ang madalas na nagdaramot sa kanya sa tuwing hindi tayo nakikinig sa kanyang mga utos. Sa dami ng ating alalahanin sa buhay: problema sa bahay, sa trabaho, sa mga kaibigan, nasubukan na ba nating idaan sa panalangin ang mga ito at pakinggan kung ano ang sinasabi sa atin ng Diyos? Kung mahirap man gawin ang mga ito, bakit hindi natin subukan. Wala namang mawawala sa atin kung susubukan natin. Basta kasama natin ang Diyos, hindi niya tayo pababayaan.//
PANALANGIN
Panginoon, buksan mo ang aming puso nang aming matanto ang iyong kalooban para sa amin. Amen.