EBANGHELYO: Jn 11:19-27
Marami sa mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria upang makiramay sa kanila dahil sa pagyao ng kanilang kapatid. Kaya pagkarinig ni Marta na dumarating si Hesus, sinalubong niya ito. Si Maria naman ay nakaupo sa bahay. At sinabi ni Marta kay Hesus: “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay ang kapatid ko. Subalit kahit na ngayon, alam kong anuman ang hilingin mo sa Diyos, ibibigay ito sa iyo ng Diyos.” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Babangon ang kapatid mo.” Sumagot sa kanya si Marta: “Alam ko na babangon siya sa muling pagkabuhay sa huling araw.” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Mabubuhay ang naniniwala sa akin kahit na siya ay mamatay. Hinding-hindi mamamatay ang bawat nabubuhay sa paniniwala sa akin. Pinaniniwalaan mo ba ito?” Sinabi niya sa kanya: “Opo, Panginoon. Naniniwala nga ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na dumarating sa mundo.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Robert Lauigan, miyembro ng Association of Pauline Cooperators sa Tuguegarao ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sa ebanghelyo ngayon, naka-relate ako sa sinabi ni Marta kay Hesus, “Panginoon, kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid.” Sa karanasan ko ng pagbibigay ng Holy Communion sa mga matatanda at mga may sakit, na isa sa mga apostolate ko, nakita ko ang struggle ng iba sa kanila, at naka-witness din ako ng mga namatay pagkatapos ng pagdasal at pagbigay ng katawan ni Kristo. Duo’y nakita ko ang kapayapaan sa kanilang pagpanaw. Katulad ng naranasan ko sa pagpanaw ng aking mga magulang. Ang pinakamahalagang pabaon ko sa kanila ay ang panalangin, paghatid at paglapit sa kanila kay Hesus, para makamit ang payapang pagpanaw. Sa loob ng tatlumpung (30) taon ng pagbibigay ko ng Holy Communion, higit sa isang daan na po ang pumanaw. Isa rin sa apostolate ko ay ang pagpunta sa mga yumao para mag-alay ng panalangin, para sa kapahingahan ng kanilang kaluluwa. At duo’y naisip ko na ang buhay dito sa lupa ay may hangganan, maging anuman ang estado sa buhay. Sa ating Panginoon lang matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Pananampalataya, paglilingkod sa Diyos at paggawa ng kabutihan sa ating kapwa ang susi sa buhay na walang hanggan.