EBANGHELYO: Mt 13:54-58
Pumunta si Hesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba’t siya ang anak ng karpintero? Hindi ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jose, Jaime, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang kanyang mga kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang kanyang ginawang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ano ang karaniwang reaksiyon mo kapag nakikita mo ang iyong kamag anak o kapit-bahay o kaibigan na nagiging marunong o umaasenso sa buhay? Masaya ka ba para sa kanila o nagtataka ka kung paano nangyari iyon? Sa ebanghelyo ngayon, takang-takang nagtanungan ang mga kababayan ni Hesus, “Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan, at ng ganitong mga makapangyarihang gawa?” Nakakalungkot ang reaksiyon nila kay Hesus! Kaya hindi gumawa roon ng maraming makapangyarihang gawa si Hesus dahil sa kawalan nila ng pananampalataya. Sila mismo ang nag-reject, hindi lamang kay Hesus kundi pati sa mga blessings na dala niya para sa kanila. Mga kapatid, inggit at kawalan ng pananampalataya ang karaniwang sagabal sa pagtanggap ng mga kaloob mula sa Diyos. Kahit nais ng Panginoon na punuin tayong kanyang mga anak ng kanyang pagpapapala, hindi niya ito ipipilit kung tayo mismo ang tatanggi dahil sa ating inggit at kawalan ng pananampalataya o pananalig sa Diyos. Ngayong panahon ng pandemya, higit sa anupaman, napakahalaga ng ating pananampalataya dahil hindi natin nakikita ang kalaban, ang Panginoong Diyos lamang na makapangyarihan sa lahat ang siyang ating sanggalang, lakas at pag-asa na siya nating makakapitan. Tingnan mo kapatid ang iyong sarili, may bahid ba ng inggit sa iyong puso? Kawalan ng pananalig sa Diyos? Mga bagay na humahadlang sa mga pagpapala ng Panginoon? Pahalagahan ang kaloob ng Panginoon sa iba at maging mapagpasalamat sa mga kaloob niya sa iyo. Ituon ang paningin kay Hesus lamang, na ang pagpapapala’y walang hanggan para sa lahat.
PANALANGIN
Panginoong Hesus, salamat po sa mga pagpapalang kaloob n’yo sa bawat isa sa amin araw-araw. Tulungan n’yo po kaming pahalagahan ang iyong malasakit sa amin at sa aming kapwa. Nawa po’y iwaksi naming ang anumang inggit at kawalang pananampalataya sa aming puso at ituon lamang ang aming paningin sa iyong kabutihan, katapatan at pagmamahal. Amen.