Daughters of Saint Paul

HULYO 31, 2021 – SABADO SA IKA -17 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 14:1-12 

Umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Hesus. At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: “Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan.” Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid. Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo siya puwedeng maging asawa.” Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang isang propeta. Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. Kaya sinumpaan niya ang isang pangako na ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: “Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista.” Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. At pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulungan; inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina. At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita nila ito kay Hesus.

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Anthony Capirayan ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Masasabi natin na masyadong ginalingan ni Salome ang kanyang pagsayaw. Anupa’t labis na nasiyahan si Herodes sa kanya at sumumpa pa si Herodes sa harap ng lahat ng panauhin na ibibigay niya sa dalaga ang kahit anong hingin nito. Sa dula ni Oscar Wilde at sa opera ni Richard Strauss na Salome, pinangalanan nila ang sayaw na ‘to bilang Sayaw ng Pitong Belo. At ito ay hinango sa sayaw at kultura ng mga taga-Gitnang Silangan. Sa modernong panahon, kadalasang iniuugnay ito sa tinatawag na belly dancing. Pero ang sayaw ni Salome na sana’y tanging hangad lamang ay magbigay-aliw sa mga panauhin, ay siya ring humatol ng kamatayan kay Juan Bautista. Mga kapatid, lahat po tayo ng binigyan ng kakayanan, ng talento, at ng talino. Pero ang lahat ng ito ay hindi pribeliheyo, kundi mga regalo mula sa Diyos na dapat nating gamitin sa kabutihan ng marami. Nakalulungkot na minsan ginagamit ng iba ang kanilang talino at talento upang makapanlamang sa iba. Nakapanlulumo minsan na ang kakayanan ay hindi nagdadala ng buhay, kundi ng kamatayan sa iba.  Kasabay ng pagpapasulong natin ng ating mga kasanayan at pagpapahusay ng ating kakayanan, huwag din sana mawaglit sa ating puso’t-isipan na ipinagkaloob sa ating ng Diyos ang lahat ng ito para sa kabutihan.