Daughters of Saint Paul

AGOSTO 5, 2021 – HUWEBES SA IKA–18 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 16:13-23

Pumunta si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” “May nagsasabing pong si Juan Bautista kayo; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag sa iyo nito kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng Langit. Ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.” At inutusan niya ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya ang Mesiyas. Mula sa araw na iyon ipinaalam ni Jesukristo sa kanyang mga alagad na kailangan siyang pumunta sa Jerusalem; pahihirapan siya ng mga matatanda ng mga Judio, ng mga Punong-pari, at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong-araw. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinumulang pagsabihan: “Huwag sana, Panginoon. Hindi ito puwede!” Ngunit hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi sa kanya: “Sa likod ko Satanas! At baka mo pa ako tisurin. Hindi sa Diyos galing ang iyong iniisip kundi mula sa tao.”  

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Emy Tuazon ng Institute of Our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo.  Shout out!  ang madalas nating marinig ngayon  sa mga live performances sa social media.  Masaya tayong marinig ang ating pangalan, ipagmalaki ang ating ginawa at napagtagumpayan.// Sa mabuting balita ngayon tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad. Sino raw ako ayon sa mga tao.  Sumagot si Simon Pedro, kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.// Mga kapatid, ang ating tagumpay, kakayahan, talino at  mga pangarap na nakamit  ay mga biyayang kaloob ng Diyos.  Ipinagkaloob ito ng Diyos sa atin dahil mahal niya tayo at may tiwala siyang gagamitin natin ang mga biyayang ito upang pangalagaan ang kanyang sambayanan. Katulad ni Simon Pedro, na ating unang Santo Papa, na binigyan ng Diyos ng tungkuling pangalagaan ang kanyang simbahan, tayo din, bilang mga binyagang Kristiyano ay tumanggap ng kaloob na ipagpatuloy ang misyong sinimulan ng Panginoong Hesus. Kaya buong pananalig nating I-SHOUT OUT sa ating salita at gawa na “AKO’Y KRISTIYANO, NA MAHAL NI KRISTO!