Daughters of Saint Paul

AGOSTO 8, 2021 – IKA–19 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (B)

EBANGHELYO: Jn 6:41-51

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Walang puwedeng lumapit sa akin kung hindi siya ihahatid ng Amang nagsugo sa akin. At ako ang magbabangon sa kanya sa huling araw. Nasusulat sa mga Propeta, ‘Tuturuan nga silang lahat ng Diyos’, kaya ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lumalapit sa akin. Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos, siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay na walang hanggan ang naniniwala sa akin.  Ako ang tinapay ng buhay. Kumain nga ng mana sa ilang ang mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang huwag mamatay ang kumain nito. Ako ang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.” 

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Keiv Aires Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sinasabing “we are what we eat.” Anumang kinukunsumo natin, nagiging kabahagi ito ng ating katawan, sistema at karakter. Maaaring tumutukoy ang pagkain sa anumang pagkain, impormasyon, idea at mga imahe na ating kinukunsumo araw-araw. Mula sa ating nakikita sa social media, sa ating mga binabasa at pinapakinggan, maging ang ating pinapanood sa telebisyon. Ito ang mga uri ng pagkain na humuhubog sa ating kamalayan – pag-iisip, pananaw at pag-uugali. At bilang pagkain, ito ang mga bagay na nagsusustena at nagbibigay kalakasan sa atin. At dito, dito natin nakukuha ang ating imahe bilang ako, bilang tayo.// Sa ating Ebanghelyo, sinasabi ni Hesus na sya ang pagkain na nagmula sa langit. At ang pagkain na ito ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Bilang pagkain, inaanyayahan tayo ni Hesus na hubugin ang ating sarili ayon sa wangis nya, kawangis niya bilang anak ng Diyos. At katulad nya na pagkaing nagbibigay buhay, tayo rin ay hinihikayat na magbigay buhay sa ating kapwa. Hindi tulad ng pagkain na nakakalason at nakakasama sa katawan at kaluluwa. Kundi pagkain, kalakasan at inspirasyon para sa ating mga kapatid sa pananampalataya, bilang mga anak ng Diyos. Kapatid, nawa’y maging kawangis tayo ni Hesus.// 

PANALANGIN

Panginoon, bigyan mo kami ng kakanin sa araw-araw. Matagpuan nawa namin si Kristo sa pang araw-araw naming pamumuhay. At siya nawa ang pagmulan ng aming inspirasyon at kalakasan sa aming pag-gawa. At sa aming pagsasalu-salo sa hapag ng pag-aalay ng iyong Anak, bilang aming pagkain, kami nawa’y maging kaisa at kawangis niya sa pagbibigay buhay sa aming kapwa. Amen.