Daughters of Saint Paul

AGOSTO 9, 2021 – LUNES SA IKA–19 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 17:22-27

Minsan ng maglakbay si Jesus sa Galilea kasama ang Labindalawa, sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit babangon s’ya sa ikatlong araw. Kaya lubha silang nalungkot. Nang makapasok na sila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga taga kolekta ng Templo at tinanong nila s’ya: “Nagbabayad ba ng buwis ang Guro ninyo?” “S’yempre.” At pumasok si Pedro sa bahay ngunit agad s’yang tinanong ni Jesus: “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ang nagbabayad ng buwis o parangal sa mga hari ng mundo? Ang mga anak ba o ang iba?” “Ang iba.” “Kung gayon, di saklaw ang mga anak. Ngunit hindi rin natin dapat saktan ang mga taong ito kaya pumunta ka sa dagat, maghagis ng bingwit at buksan ang bibig ng unang isdang iyong mahuhuli. May pera kang matatagpuan doon. Kunin mo ‘yon at magbayad para sa ‘yo at sa akin.  

PAGNINILAY

Isinulat ni Grace Fernan, isang Pauline Cooperator mula sa Cagayan de Oro ang pagninilay sa ebanghelyo.  May dalawang tema ang ebanghelyo ngayon: Una, ang prediksyon ni Hesus tungkol sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Ikalawa ang pagbayad ni Hesus ng Buwis.// Sa unang tema, inulit ni Hesus ang prediksyon tungkol sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, dahil hindi ito maintindintihan ng mga apostoles; ni hindi nila  matanggap ang kanyang sinabi.  Lubha silang namighati sa kanilang narinig, kaya inulit ni Hesus at uulitin pa rin niya ito, hanggang sa maunawaan at matanggap nila ang mangyayari sa kanya.  Kadalasan, ganyan din tayo! Dapat ulit-ulitin ang ating mga karanasan, ang mga leksyon sa buhay, upang ating maintindihan, at kalauna’y, matanggap.  Sa tema ng BUWIS: si Hesus, bagama’t hindi sakop ng batas o gobyerno, ay nagpasa-ilalim sa batas ng tao. Wala siyang tungkuling magbayad ng buwis, pero nakiisa siya sa pagbabayad nito. Ayaw ng Panginoon na ang mga taong ito na nagtatanong sa kanya ay magkasala, kaya minabuti niyang magbayad ng buwis upang magkaroon ng kapayapaan ng loob ang bawat isa.  Kapatid, kamusta ang pagbabayad mo ng buwis? Malugod mo ba itong ginagampanan bilang isang matapat na mamamayan ng ating bansa? Kamusta naman ang pagbibigay mo sa Panginoon?  Naibibigay mo ba sa Kanya ang nararapat na pagsamba, parangal at papuri?  

PANALANGIN

Panginoon, turuan mo akong maging bukas palad, turuan mo akong maglingkod sa Iyo at magbigay nang ayon sa nararapat, na walang hinihintay mula sa Iyo. Amen.