EBANGHELYO: Mt 18:15-20
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin s’ya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano. Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian n’yo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan n’yo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit. Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Pangalan ko, kapiling nila ako.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Nimfa Ebora ng Pious Disciples of the Divine Master ang pagninilay sa ebanghelyo. Meron ka bang karanasan ng hidwaan na gustong ayusin o hilumin? Kung meron, nawa’y makatulong sa iyo ang pagninilay na ito. Ang community life, o ang pamumuhay kasama ng ating mga kapatid sa bahay, trahabo, komunidad o pamayanan ay isang bagay na hindi maiiwasan. Ito’y dahil nilikha tayong kaugnay ng ating kapwa. Ang pag-iral kasama ng iba ay isang katangian ng pagiging tao. Tayo’y mga “social beings.” Nilikha tayong nakaugnay sa ating kapwa sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay. Sabi nga ng isang awitin: “Walang nabubuhay at namamatay para sa sarili lamang.” Lahat tayo ay may pananagutan sa isa’t isa. Ito ang mensahe ng ating mabuting balita sa araw na ito. Tayo’y may pananagutan sa ating kapwa. Tayo’y magkakapatid kay Kristo. Tungkulin nating gabayan at ituwid ang nakagagawa ng pagkakamali sa atin. Tinuruan tayo ng ating Panginoon ng Kristiyanong pamamaraan ng pagtutuwid sa mga nagkakasala sa atin: una: kausapin ang taong involve na kayo lamang dalawa, kung hindi ito naging mabunga, humingi ng tulong ng ibang tao. Kung wala pa ring pagkakaunawaan matapos ito, maaaring idulog ang bagay na ito sa pamayanan. Ang layunin ay hindi para itakwil ang nasabing tao kundi para maituwid natin sya ng may pagkalinga at pagmamahal.
PANALANGIN
Turuan mo po kaming gampanan ang aming pananagutan sa aming mga kapatid, Panginoon. Sa panahon ng pagsubok at di-pagkakaunawaan, bigyan mo po kami ng dalisay na pagmamahal at kayayanang magpatawad kung kami ay nagawan ng di mabuti; kababaang loob naman kung kami ang nagkamali. Loobin mong kami’y laging mamuhay ng payapa, maayos at may pakakaunawa sa lakas at kahinaan ng bawa’t isa. Amen.