EBANGHELYO: Mt 19:3-12
Lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo na hangad siyang subukan, at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” “Hindi ba ninyo nabasa na sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan na lamang; kaya huwag papaghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ang babae ng kasulatan ng diborsiyo bago siya paalisin?” “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa, ngunit hindi ganito sa simula. At sinasabi ko naman sa inyo: kung may magpaalis sa kanyang asawa, malibang dahil sa pagtataksil, at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya.” Sinabi naman ng mga alagad: “Kung iyan ang itinatadhana para sa lalaking may-asawa, walang pakinabang sa pag-aasawa.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi matatanggap ng lahat ang salitang ito, kundi ng mga pinagkalooban lamang nito. May ilang ipinanganak na hindi nakapag-asawa. May iba namang ipinakapon ng tao. At may iba ring tumalikod sa pag-aasawa alang-alang sa kaharian ng Langit. Tanggapin ito ng puwedeng tumanggap.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Junlyn Maragañas ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo. May kanya-kanyang paraan ang pagtawag ng Diyos at pagtugon natin sa Kanya. But for sure, lahat tayo ay tinawag upang magmahal at maging mabuting tao, tulad ni Kristo.// (Madalas, trending sa social media ang mga hiwalayan, mga hashtags, tulad ng may nagmahal, may nasaktan, iniwan, nagpaubaya, di makapag move on, naging pusong bato na at samo’t-saring hugot sa buhay, kaya naman, maraming hindi naniniwala sa forever.)// Hindi po madali ang magsalita tungkol sa diborsiyo dahil ramdam natin ang sakit na dulot nito, ang kalungkutan ng bawa’t miyembro ng pamilya, lalo na sa mga anak, at sa nawawalang kapayapaan at kaligayahan sa loob ng tahanan. Mga kapatid, dama ng Diyos ang hapdi at sakit ng damdamin ng isang umibig ng sobra, at nasaktan. Kaya naman, Siya na lumikha at nagmamahal sa atin ang tunay na nakakaalam kung paano tayo dapat mamuhay upang matamo natin ang pinakadakilang kaligayahan.Tunay ngang may forever, ang mga bagay na galing sa Diyos!// Kung may nasirang ugnayan at pagkakamali man tayo sa nakaraan, hindi pa huli na gumawa ng mga pagbabago at gawin ang tama upang maisabuhay natin ang orihinal na plano ng Diyos para sa atin, dahil ito ang pinakamainam at pinakamaganda. (Inanyayahan ko po kayong basahin ang Apostolic Exhortation ni Pope Francis tungkol sa kahalagahan ng buhay ng pamilya, pag-ibig at pag-aasawa sa lipunan. (Sa Amoris Laetitia – The Joy of Love) upang mapahalagahan at maisabuhay ang mga kaloob nito.
PANALANGIN
Panginoon, basbasan N’yo po ang aming pamilya at patatagin ang aming pananalig sa Iyo, lalo na sa panahon ng kahinaan at pagsubok. Lingapin Nyo ang mga pamilya na ngayon ay dumaranas ng matinding kahirapan, pagdurusa, nawawalan ng pag-asa at nagkakahiwalay dahil sa hindi pagkakaunawaan at mabigat na dahilan. Banal na mag-anak, tulungan Nyo po kami. Amen.