EBANGHELYO: Mt 22:1-14
Muling nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga Talinhaga: “Tungkol sa nagyayari sa kaharian ng Langit ang kwentong ito: May isang haring naghanda sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Ipinatawag niya sa mga katulong ang mga imbitado sa kasalan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli niyang pinapunta ang iba pang mga katulong upang sabihin sa mga inanyayahan sa kasalan: ‘Naghanda ako ng pagkain, nagpatay ng mga toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo sa kasalan.’ Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may pumunta sa kanyang taniman, at sa kanyang negosyo naman ang isa pa. Sinunggaban naman ng iba pa ang mga katulong ng hari, nilibak at pinatay. Lubhang nagalit ang hari kaya’t ipinadala niya ang kanyang hukbo upang puksain ang mga mamamatay-tao at sunugin ang lunsod. At sinabi niya sa kanyang mga katulong: ‘Handa na ang kasalan ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Pumunta kayo ngayon sa dulo ng lunsod at anyayahan sa kasalan ang bawat makita ninyo.’ Kaya agad na lumabas sa mga daan ang mga katulong at tinipon ang lahat ng makita, masama at mabuti, at napuno ang kasalan ng mga nasa hapag. Pagkatapos ay dumating ang hari upang tingnan kung sino ang mga nasa hapag at napansin niya ang isang lalaking hindi nakadamit-pampeyesta. Kaya’t sinabi niya sa kanya: ‘Kaibigan, papaano ka nakapasok nang walang damit pangkasal?’ Ngunit hindi umimik ang tao. Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga katulong: ‘Igapos ang kanyang mga kamay at paa, at itapon sa dilim, kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.’ Marami ngang talaga ang tinawag ngunit kakaunti ang pinili.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Nimfa Ebora ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Lahat tayo ay tinatawag ng Panginoon sa kasiyahan at kasaganahang kanyang inihanda sa kanyang tahanan. Paulit-ulit ang kanyang paanyaya. Pero, katulad ng talinhaga sa ating Mabuting Balita, iba-iba ang naging tugon ng mga inanyayahan: merong tumanggi… merong nagkibit-balikat, atbp. Sa huli’y tinawag ng hari ang lahat, maging sinuman… ngunit hindi rin pala sapat na tumugon lang sa imbitasyon o walang paghahanda; parang yung taong hindi nakadamit pangkasal. Oo, tumugon nga siya pero hindi naman niya sineryoso at pinagtuunan ng atensyon ang imbitasyon ng hari. Ang babala ng Panginoon ay para sa ating lahat: di sapat ang tumugon. Kailangan ng paghahanda ng sarili dahil “maraming tutugon, ngunit ilan lamang ang pipiliin.”
PANALANGIN
Ama, salamat po sa paulit-ulit niyong pagtawag sa amin. Inaanyayahan mo kami sa kasaganahan, kaginhawahan, at kasayahan sa iyong tahanan sa langit. Bigyan mo po kami ng sapat na pananampalataya upang tumugon. At sa aming pagtugon, gawin nawa namin ang nararapat na paghahanda ng sarili upang sa pagharap sa iyo, papasukin mo kami sa iyong tahanan at ituring na nararapat makibahagi sa hapag ng iyong kaharian kasama ni Kristo, aming kapatid at Panginoon. Amen.