Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 2, 2021 – HUWEBES SA IKA -22 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 5:1-11

Dinagsa si Jesus ng napakaraming taong nakikinig sa Salita ng Diyos at nakatayo naman siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Nakita niya noon ang dalawang bangka sa baybay. Kabababa pa lamang ng mga mangingisda mula sa mga ito para hugasan ang mga lambat. Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni Simon at hiniling dito na lumayo ng kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya at mula sa bangka’y sinimulang turuan ang maraming tao. Matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumalaot ka at ihulog ninyo ang inyong mga lambat para humuli.” “Guro, buong magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog ko ang mga lambat.” At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda kaya halos magkandasira ang kanilang mga lambat. Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan sila. Dumating nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang halos lumubog ang mga iyon. Nang makita ito ni si Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Jesus at sinabi: “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.” Talaga ngang nasindak siya at ang lahat niyang kasama dahil sa huli ng mga isda na nakuha nila. Gayundin naman ang mga anak ni Zebedeo na sina Jaime at Juan na mga kasama ni Simon. Ngunit sinabi ni Jesus kay Simon: “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin mo.” Kayat nang madala na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Cleric Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Hindi po biro ang sumunod kay Hesus. Iiwan mo ang lahat. Narinig natin ang kuwento ng pagtawag kay Pedro. Iniwan niya ang kanyang kabuhayan, ang pangingisda. Iniwan ang kanyang kayamanan, ang lambat na puno ng isda. Iniwan niya ang kanyang tahanan—ang tabing dagat at ang kanyang pamilya. Ano po ba ang kaya nating iwanan para kay Hesus? Hindi naman pinakamatalino si Pedro o ‘di kaya’y pinakamagaling. Mababasa natin sa Bibliya kung ilang beses siyang nadapa at naging marupok. Pero, nanatili siya sa tabi ni Hesus. Hari nawa’y matularan natin ang pananatili ni Pedro. Sa Bawat pagsubok at pagkadapa—Pagpapakumbaba nawa ang ating maging pagsuko. Hindi po tayo susunod dahil may kapalit. Susunod tayo kasi mayroong Hesus, ang daan natin tungo sa tunay nating tahanan sa piling ng ating Amang nasa langit.  (Bilang pagtatapos, nais ko pong hiramin ang mga salita ni Padre Pio: “You don’t have to be worthy, you only have to be willing.”   

PANALANGIN

Panginoon, sa mga panahong iniisip naming hindi namin kaya o mahina kami para tuluyang makasunod sa iyo; bigyan niyo po kami ng lakas mula sa inyong mapagpalang pag-ibig. Amen.