Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 7, 2021 – MARTES SA IKA -23 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 6:12-19

Umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag umaga na, tinawag n’ya ang kanyang mga alagad at pumili s’ya ng labindalawa sa kanila na tinawag n’yang Apostol: si Simon na pinangalanan n’yang Pedro, si Andres na kapatid nito, si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinaguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging taga-pagkanulo. Pagkababa kasama nila, tumigil si Jesus sa isang patag na lugar. Naroon ang maraming alagad n’ya at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem, at mula sa baybaying dako ng Tiro at Sidon ang dumating para makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Gumaling din ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu, kaya sinikap ng lahat ng tao na mahipo s’ya dahil may kapangyarihang lumalabas sa kanya na nagpapagaling sa lahat. 

PAGNINILAY

Isinulat ni Ms. Ruth Suarez ng Institute of Our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo.  Naranasan mo na bang magkaroon ng matinding desisyon sa buhay? Ano ang ginawa mong paraan at sino ang iyong naging gabay sa iyong desisyon?  Narinig natin sa Mabuting Balita na umakyat si Hesus sa bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos Ama. Hindi biro ang pagpili ng labindalawang (12) Apostoles sa gitna ng marami nyang tagasunod; kaya kinailangan nyang makipag-ugnayan sa kanyang Ama sa langit.//  Sa aking buhay bilang isang mananampalataya kay Kristo, isang aspeto ng buhay ko  na hindi mawawala, ang manalangin at magkaroon ng ugnayan sa Diyos. Sa pamamagitan ng panalangin nagagabayan ako sa aking mga desisyon  at  sa  pang-araw-araw na gawain. Ang pakikipag-ugnayan ko sa Diyos ang nagbibigay lakas at tibay ng loob, na harapin ang mga hamon ng buhay. Dito rin ako humuhugot ng pag-asa, at naniniwala na sa bawa’t yugto ng aking buhay ay kasama ko ang Diyos at hindi nya ako pinababayaan.// Tatlong buwan pa lamang ang nakalilipas, nang pumanaw na magkasunod ang aking panganay na kapatid at ang aking ama. Naging napakatinding pagsubok iyon sa aming pamilya. Halos hindi kami makapaniwala sa nangyari. Pero hindi kami tumigil doon, sabay-sabay kaming nanalangin sa Diyos. Hiningi namin ang kanyang patnubay sa aming mga desisyon.  Sa awa ng Diyos, nalampasan namin ang isang pagsubok sa aming pamilya, dahil kasama namin ang Diyos.  Mga kapatid, manalig tayo na ang Diyos ay hindi nang-iiwan, at laging karamay sa bawa’t yugto ng ating buhay.  Amen.