Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 18, 2021 – SABADO SA IKA -24 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 8:4-15

Napakakapal na tao ang nagkakatipon dahil pinuntahan si Jesus ng mga tao mula sa kani-kanilang mga bayan. Kaya nagsalita siya sa talinhaga: “Lumabas ang manghahasik para maghasik ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan at tinapak-tapakan at kinain ng mga ibon sa Langit. Nahulog ang iba sa batuhan, at nang sumibol ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig. Nahulog ang iba pang buto sa gitna ng tinikan, at sa kanilang paglaki, sinikil ito ng mga tinik. Nahulog naman ang iba pa sa matabang lupa at nang sumibol ay nagbunga ng tig-iisang daan” Pagkasabi nito’y sumigaw siya: “Makinig ang may tainga.” At tinanong siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinhagang ito. Kayat sinabi niya: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Diyos, at sa iba nama’y sa talinhaga lamang para tumingin sila at hindi makakita, makinig at hindi makaintindi. Ito ang kahulugan ng talinhaga. Ang binhi ang Salita ng Diyos. Ang mga nasa tabi ng daan ang mga nakakarinig nito subalit agad namang dumarating ang diyablo; inagaw niya ang salita mula sa kanilang isipan upang huwag silang manalig na maligtas. Ang mga nasa batuhan ang mga nakakarinig na masayang tinatanggap ang salita. Ngunit wala silang ugat kaya sandali silang nananalig at tumitiwalag naman sa panahon ng tukso. Ang nahulog naman sa tinikan ang mga nakakarinig na sa pagpapatuloy nila’y sinikil ng mga kabalisahan, ng kayamanan at ng mga kasiyahan sa buhay kaya’t hindi sila nakapagbunga. Ang nahulog naman sa matabang lupa ay ang mga nakakarinig sa salita at iniingatan ito nang may dakila’t mabuting loob at nagbubunga sila sa pagtagal.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Ma. Janice Golez ang pagninilay sa ebanghelyo.  Madalas, kapag naririnig natin ang Mabuting Balitang ito, itinutuon natin ang ating atensyon sa iba’t ibang kalagayan ng ating puso sa pagtanggap ng Salita ng Diyos. Ngayon naman, bigyang-pansin natin ang kalagayan ng puso ng Manghahasik ng Binhi. Siya ay walang pinipiling lugar ng paghahasikan— sa tabing daan man, sa mga bato, sa mga dawag o matabang lupa. Buong sagana niyang inihahasik ang Mabuting Balita at hindi alintana ang kalalabasan nito. Mga kapatid, ang Manghahasik na ito ay ang ating Panginoon. Sa kanyang kagandahang-loob, lahat tayo ay pinagkalooban ng Kanyang Salita na nagbibigay buhay. At ang ating Inang Simbahan ay laging masigasig sa pagsasabuhay at pangangaral ng Mabuting Balita. Katulad na lang ng gawaing ito. Nawa’y ang katotohanang ito ukol sa ating Mabuting Manghahasik ay maghikayat sa bawat isa sa atin na maging matabang lupa kung saan ang binhi ng Kanyang Salita ay lalago at mamumunga ng masagana.