EBANGHELYO: Mt 9:9-13
Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan s’ya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming taga-singil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumaking kasama ng mga makasalanan at maninigil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit! Sige, matutunan sana ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Ms. Ruth Suarez ng Institute of our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo. Ipinagdiriwang natin sa araw na ito ang kapistahan ni San Mateo. Isa sa apat na Ebanghelista at isa rin sa labindalawang alagad ni Hesus. Narinig natin sa Mabuting Balita ang pagtawag ni Hesus kay Mateo. Mula sa kanyang propesyon na paniningil ng buwis patungo sa panibagong buhay. Nang marinig ni Mateo ang tinig ni Hesus agad niyang iniwan ang kanyang gawain at walang pagdududang tumugon sa panawagan Nya. Mga kapatid, tayo din ay katulad ni Mateo na makasalanan, pero binibigyan ng Panginoon ng pagkakataon na magbago. Kabilang tayo sa mga maysakit na tinutukoy sa ebanghelyo ngayon na nangangailangan ng manggagamot. Sa kabila ng ating pagiging makasalanan, tinatawag tayo ng Diyos na sumunod sa kanya sa ibat-ibang pamamaraan at pagkakataon. Kaya sana huwag natin itong sasayangin. Ang mga salita ni Hesus ay mukha ng kanyang awa at pagpapatawad. Pinatunayan nya ito habang Sya’y nakabayubay sa krus, nang kanyang sabihin: “Ama patawarin mo sila, sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa”. (Lucas 23:24) Mga Salita ng pagtitiwala at walang panghuhusga! Nagtitiwala sa atin ang Diyos sa kabila ng ating mga kahinaan at kasalanan, dahil tinitingnan nya hindi ang ating nakaraan, kundi ang ating kinabukasan. Ang pagsunod at pagtitiwala sa pangako ng Diyos ang susi sa mga pagpapalang ninanais natin. Ang Diyos lamang ang nakakaalam, kung ano ang mabuti para sa atin. Tatanggi ka pa ba sa kanyang pagtawag? Baka hindi mo na marinig pang muli ang kanyang tinig at maging huli na ang lahat.