Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 24, 2021 – BIYERNES SA IKA -25 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 9:18-22

Minsan, mag-isang nagdarasal si Jesus at naroon din ang mga alagad. Tinanong niya sila: “Sino raw ako ayon sa sabi ng mga tao?” “Si Juan Bautista raw. May iba namang nagsasabing ikaw si Elias. At may iba pang nagsasabi na isang propeta noong una ang nabuhay.”   “Ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro: “Ang Mesiyas ng Diyos.” At inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kanino man. Sinabi nga ni Jesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemma Gamab ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Naranasan mo na bang tanungin ang iba kung sino ka para sa kanila? Ganito inilalarawan si Hesus sa ating ebanghelyo ngayon. Tinanong niya ang mga alagad, “Kayo naman, ano ang sabi nyo? Ang Mesiyas ng Diyos, sagot ni Pedro.” Makikita natin sa pahayag ni Pedro na hindi lamang ito isang opinion, kundi isang personal na pagkakilala at pagtanggap sa kanya. Bunga ito ng malalim na pundasyon ng ugnayan at karanasan niya kay Hesus.// Naalala ko ang huling araw ng check up ng aking tatay sa doctor. Pagkatapos siyang suriin, sinabi na maayos naman at sa huling pahayag, sinabi niya na “Mabait si Tatay.” Napangiti ako dahil may katandaan na rin at may dementia siya. Ito’y isang pahayag na may paniniwala at pagmamahal. Kilala na ng doctor ang tatay ko, dahil mahigit 30 yrs din niya siyang ginagamot, hanggang sa pumanaw ito, may anim na buwan pa lamang ang nakalilipas. Masakit man ang kanyang pagpanaw, pero nag-iwan naman siya ng magandang alaala sa akin at sa aking pamilya. Mga kapatid, sa ating buhay, ano man ang ating trabaho, estado o misyon; masasabi ba natin na kilala na natin si Hesus? Sino nga ba siya sa buhay natin? At anong uri ng relasyon meron tayo sa kanya sa ngayon? Saan man tayo ngayon, ano man ang pinagdadaanaan natin sa buhay; humingi tayo sa Diyos ng biyaya na magkaroon ng malalim na pagkakakilala sa Kanya. Nang sa gayon maipahayag din natin kung sino siya, nang may paniniwala, hindi dahil sa opinyon ng iba kundi dahil naranasan natin siya sa ating buhay bilang Mesiyas ng Diyos – Ang Diyos na sumasaatin.