Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 26, 2021 –IKA-26 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: Mk 9:38-43, 45, 47-48

Sinabi ni Juan kay Jesus: “Guro, nakita namin ang isang di natin kasama na nagpapalayas ng mga demonyo sa bisa ng iyong pangalan. Ngunit pinigil namin siya dahil hindi natin siya kasama.” At sinabi ni Jesus: “Huwag n’yo siyang pigilan. Wala ngang gumagawa ng himala sa bisa ng aking pangalan na agad na magsasalita laban sa akin. Kakampi natin ang hindi natin kalaban. At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may magpapainom sa inyo ng malamig na tubig alang-alang sa aking pangalan dahil kay Kristo kayo, talagang sinasabi ko sa inyo na hindi siya mananatiling walang gantimpala. Ngunit kung may tumisod at magpadapa sa isa sa maliliit na ito, mas makabubuti pa para sa kanya na itapon sa dagat na may taling malaking bato sa kanyang leeg. Kung ang mga kamay mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pingkaw sa buhay kaysa matapon sa walang hanggang apoy ng impiyerno na may dalawang kamay. At kung ang mga paa mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo na pumasok na pilay sa buhay kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang paa. At kung ang mga mata mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, itapon mo ito. Mabuti pa sa iyo na pumasok sa Kaharian ng Diyos na may isang mata kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang mata, kung saan ‘walang tigil ang mga uod sa kanila at walang kamatayan sa apoy.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Micha Miguel Competente ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  (Inakala ng mga disipulo ni Hesus na sila lang ang may kakayahang magpalayas ng demonyo. Kaya noong nakita nila ang isang taong nagpapalayas ng demonyo sa ngalan ni Hesus, nangamba sila at pinigilan nila ito sa kadahilanang hindi siya sumusunod sa kanila. Pero maliwanag ang sinabi ni Hesus,) “Ang hindi laban sa atin ay panig sa atin.”// Mga kapatid, tulad sa isang digmaan, mahalagang kilalaning mabuti, kung sino talaga ang tunay na mga kaaway, bago sumabak sa labanan. Know your enemies, ika nga. (Mahalaga na kilalaning mabuti ang mga kaaway upang masukat at malaman kung anu-anong mga paraan ang gagamitin para magapi silaKung sugod lang ng sugod, baka hindi natin namamalayang napapatay na pala natin ang mga para talaga sa atin.) Gayundin sa ating buhay pananampalataya, mahalaga na kilalaning mabuti kung sino talaga ang para sa atin, at ang hindi sa atin. Ang tunay na kaaway ay madalas hindi ang ibang tao, kundi ang ating mga sarili. Dahil sa inggit, galit na nararamdaman natin, nagiging kaaway natin ang iba. Pero kung magagapi natin ang mga inggit, selos, pagkamuhi sa ating mga sarili, mas makikita natin ang iba bilang kakampi. Mas magiging masaya tayo sa kanilang tagumpay. Ang demonyo ay madalas wala sa ibang tao, kundi ito ay nasa loob natin, lalo na sa masamang pag-uugali at pag-iisip natin. Kaya nga ito muna ang uunahin nating lalabanan bago ang iba, dahil kung kilala mo ang kaaway mo, tiyak madali mo silang matatalo. Kung kilala mo ang iyong kakampi, mas magiging madali ang iyong tagumpay. Unahin mong talunin ang inggit sa iyong puso, at ikaw ay tunay na magiging masaya, at iyon ang iyong tunay na tagumpay.