Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 30, 2021 – HUWEBES SA IKA-26 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 10:1-12

Humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapalit-palit ng bahay. Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.’ Saanmang bayan kayo pumasok at di nila kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga liwasan nito at ang inyong sabihin: ‘Pati na alikabok mula sa inyong bayan na kumapit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin sa inyo. Gayunman, alamin ninyong palapit na ang Kaharian ng Diyos.’ Sinasabi ko sa inyo na magaan pa ang sasapitin ng mga taga-Sodom kaysa bayang iyon sa dakilang Araw.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Ma. Janice Golez ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Lumapit na sa inyo ang kaharian ng Dios. Tinutulungan tayo ng Mabuting Balita ngayon na malaman ang katotohanang ninanais ng Diyos na mapasaatin ang Kanyang Kaharian. Kaya nga, nagsugo pa Sya ng pitumpu’t dalawang alagad para iparating ito sa maraming tao. Sa pagninilay na ito, pagtuunan natin ng pansin ang mga tao o bayan na tumanggap sa mga alagad na pinadala ni Hesus. Kahit sa panahon natin ngayon, patuloy na nagpapadala si Hesus ng mga misyonerong nangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos. At sa iba’t-ibang paraan din, nararanasan natin ang paghahari ng Diyos sa ating buhay. Ang tanong: gaano kabukas ang ating mga puso sa pagtanggap sa Kanya? Nawa’y ang bawat isa sa atin na nakaranas na ng paghahari ng Diyos ay maging misyonero din sa pamamagitan ng ating mabubuting halimbawa at kawang-gawa sa kapwa.