EBANGHELYO: Lc 10:38-42
Pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.” Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Divinia de Claro ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. “Pinili ni Maria ang mainam na bahagi.” Ano nga kaya ang nais ipabatid sa atin ni Hesus sa bersikulong ito? Narinig natin sa ebanghelyo kung gaano ka-busy si Marta sa pag-aasikaso ng mga bagay-bagay para kay Hesus. Nakiusap pa siya kay Hesus, na sabihan ang kanyang kapatid na si Maria, na tulungan siya. Kung iisipin, natin, tama naman si Marta, di ba? Bilang mga Filipino, kilala tayo sa pagiging hospitable o pagiging maasikaso sa mga panauhin. Ito’y isang kaugalian, na napakagandang ibahagi sa iba. Pero kung minsan, nakakalimutan nating itanong sa ating mga bisita kung ano ang pakay ng kanilang pagbisita. Marahil ganito din ang nangyari kay Marta. Napagod siya sa paghahanda, samantalang si Maria naman ay parang walang pakialam na nakikinig lamang kay Hesus. Pero sinabi ni Hesus kay Marta: “Pinili ni Maria ang mainam na bahagi, na hindi aalisin sa kanya.” Mga kapatid, sa ating pagnanais na makapaglingkod, naranasan ba natin ang tunay na kaligayahan? Kung hindi, baka hindi ito ang nais ipagawa ng Panginoon sa atin, bagkus nais Niyang makipag-usap muna tayo sa Kanya. Kaya, makabubuti na itanong muna natin sa Kanya: “Ano ang nais Mong ipagawa sa akin Panginoon?” Sana po, sikapin nating tuklasin ang kalooban ng Diyos sa kaibuturan ng ating puso. Ngayong panahon ng pandemya, mas higit nating kailangang makinig sa tinig ng Panginoon sa ating panalangin at sa mensaheng nais Niyang ipabatid, sa Kanyang mga Salita.