Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 8, 2021 – BIYERNES SA IKA – 27 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lc 11:15-26

Nang nakapagpalayas si Jesus ng demonyo, sinabi ng ilan sa mga tao: “Pinalalayas n’ya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa Langit. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi n’ya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat Kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Hindi nga ba’t sinasabi n’yo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Kung may sandatang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Ngunit kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin s’ya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. Laban sa akin ang hindi panig sa akin, at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.” Kapag lumabas sa tao ang maruming espiritu, nagpapalabuy-laboy ito sa mga lugar na walang tubig sa paghahanap ng pahingahan. Ngunit wala s’yang natatagpuan at sinasabi niya: ‘Babalik ako sa inalisan kong tirahan.’ Pagdating niya, natatagpuan niya ito na nawalisan na at maayos pa. Kaya naghahanap s’ya at nagsasama ng pito pang espiritung mas masama pa kaysa sa kanya; pumapasok ang mga ito at doon tumitira. Kaya mas masama ang huling kalagayan ng taong iyon kaysa dati.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Edna Cadsawan ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo.  Narinig natin sa Mabuting Balita kung paanong sinubukang siraan si Hesus ng ilang taong nakasaksi sa kanyang pagpapalayas ng demonyo sa kabila ng kabutihang idinulot nito. Nagpapakita ito ng malungkot na katotohanan, na may mga pagkakataon sa ating buhay, na hindi lahat ay sasang-ayon sa mabuti nating gawa, lalo na kung ito ay hindi naaayon sa kanilang paniniwala at ginagawa. Nagpapakita rin ito ng katotohanan nang tunggalian sa pagitan ng mabuti at masama, at ang kahalagahan ng pagiging ‘vigilant’ o mapagbantay. (Sabi pa ni Pope Francis, na bawat  mananampalataya ay kailangang bantayan ang kanilang puso, damdamin, mga grasya na tinatanggap at ang presensiya ng Espiritu Santo. Kinakailangang naaayon lamang sa katotohanan o ‘absolute truth’ ang lahat ng ating iniisip at ginagawa, lalo na po sa panahon ngayon na naglipana ang ‘fake news.’ Kailangan po nating ‘i-discern’ o kilatisin ang mga nasasagap na impormasyon, at manindigan sa katotohanan lamang at hindi base sa opinion ng nakararami.) Mga kapatid, hindi pwedeng manatili tayong ‘neutral’ o walang pakialam maski na hindi naman tayo ‘directly affected’ dahil kagaya po ng sinabi ni Hesus ‘ang hindi panig sa akin ay laban sa akin.’ Idalangin natin ang patuloy na paggabay ng Espiritu Santo upang ang lahat ng ating pagpapasiya at pagkilos ay maging naaayon lamang sa kalooban ng Diyos. Amen.