EBANGHELYO: Lc 11:27-28
Habang nagsasalita pa si Jesus, isang babae mula sa dami ng tao ang malakas na nagsabi sa kanya: “Mapalad ang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa iyo.” Ngunit sumagot si Jesus: “Kaya talagang mapalad ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Babes Sanchez, miyembro ng Pauline Cooperators ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Malinaw nating narinig mula sa Ebanghelyo na ang sumusunod kay Hesus ay tunay ngang pinagpala! Si Maria ang babaeng tinutukoy sa ating Ebanghelyo. Siya ang tunay na ehemplo ng pagsunod sa kagustuhan ng Diyos. Sa pagsunod niya sa kagustuhan ng Ama, ginampanan niyang maging Ina ng Diyos. Kaya naman si Maria, sa kapangyarihan ng Diyos, ay iniakyat sa langit, katawan at kaluluwa. Hindi lamang tayo mamamangha sa kagustuhan ng Diyos, isasabuhay din natin—gayun ang gawain ng tunay na nakikinig sa salita ng Diyos. Katulad ng ating Inang si Maria, nakinig siya at isinabuhay niya ang kagustuhan ng Ama… Pero paano natin isasabuhay ang ginawa ni Maria sa ating kasalukuyang panahon? Hindi madali. Lalo’t sa dami ng ating pang-araw araw na trabaho at pamumuhay, paano nga ba natin mararamdaman ang tunay na pagpapala? Paano nga ba ang pagsunod? Paano natin masusukat na tayo ay tunay na sumusunod sa ating Diyos? Una, Makinig! Napakahalaga ng pakikinig, makinig gamit ang tainga at higit sa lahat gamit ang puso. Sa pamamagitan ng tainga, ang narinig ay maaaring maibahagi sa pamamagitan ng bibig. Sa pamamagitan ng puso, ang narinig ay maaaring maibahagi sa pamamagitan ng mga kamay. Kailangang makinig ang tainga at puso, upang tunay na maipakita ang pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal sa ating kapwa. Upang tulad ni Maria, tayo din ay makaisa niya sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Mga kapatid, kung tayo’y tapat sa pagsunod sa ating Panginoon, lalalim ang ating relasyon sa Kanya. Sa kaibuturan ng ating mga puso, siya’y mananatili at madarama natin ang tunay na pagpapala—tulad ni Maria na buong pusong nakinig at sumunod sa Diyos.