EBANGHELYO: Lc 11:29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan subalit walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating s’ya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Divinia de Claro ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.
Narinig natin sa ebanghelyo na humihingi ng tanda ang mga tao kay Hesus, kung Siya nga, ang ipinangakong Mesias. Hindi nila nakilala si Hesus. Sa pang-araw-araw nating buhay, nais din nating makakita ng tanda mula sa Diyos, lalo na kung may pinagdadaanan tayong matinding pagsubok. Pero ang hinihiling ng Diyos sa atin, ay makinig tayo sa Kanya. Ang Kanyang tinig, ay mas higit pa, kaysa isang tanda. Bakit nga ba, kung minsan, di natin Siya makilala o marinig? Mainam sigurong tanungin natin ang sarili: “Sino ba ang Diyos para akin?” Alam natin na Siya ang Maylikha ng lahat. Nakikita ba natin Siya sa Kanyang nilikha? Kung hindi, malamang na mahirap din natin Siyang makita sa ating sarili, sa ating kapwa at sa mga pangyayari sa ating buhay. Mga kapatid, ngayong panahon ng pandemya, nakikita ba natin ang Diyos sa mga maysakit, sa mga nagdurusa, na humihingi ng ating paglingap? Dito masusukat ang ating pagmamahal, at dito natin Siya makikita. Kung saan may pagmamahal, andun ang presensya ng Diyos, dahil ang pagmamahal, ay mula sa Kanya. Naalala ko tuloy, ang isang babae na nagtitinda ng tubig. Magdadapit-hapon nuon, at di ko kabisado ang kalye sa Olongapo. May usapan kami ng kasamahan naming madre na magkikita kami sa isang kalye papuntang Maynila. Napansin ko ang isang babae na kumakaway sa akin. Di ko sana siya papansinin, dahil naka-focus ako sa hinahanap kong lugar. Pero tinawag niya ako. Wala akong kamalay-malay, na siya pala ang makapagtuturo ng hinahanap kong lugar. Buong-puso pa siyang nagpabaon ng bottled water sa akin. Mga kapatid, nadama ko ang kabutihan ng Diyos sa araw na yun, sa pamamagitan ng babaeng nag magandang-loob sa akin. Di ba, tanda ito na ang Diyos ay sumasaatin?