EBANGHELYO: Lc 11:42-46
Sinabi ni Jesus: “Sawimpalad kayong mga Pariseo! Nagbabayad nga kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng ruda at ng lahat ng gulay, at pinababayaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Ito nga ang dapat gawin nang di kinaliligtaan ang mga iyon. Sawimpalad kayo mga Pariseo! Gusto ninyong mabigyan ng pangunahing upuan sa mga sinagoga at mabati sa mga liwasan. Sawimpalad kayo, na parang mga nakatagong libingan, na inaapakan ng mga tao at di man lang nila namamalayan.” Nagsalita ang isang guro ng Batas: “Guro, iniinsulto mo rin kami sa pagsasabi mo ng mga ito.” At sinabi ni Jesus: “Sawimpalad din kayong mga guro ng Batas! Ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mga napakabigat na pasanin, at hindi man lang ninyo hinihipo ang pasanin ng kahit isang daliri.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Narci Peñaredonda ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo. Napapansin mo ba sa mga kuwentuhan, na karaniwang may pasikat? Sa Mabuting Balita ngayon, dalawa ang pasikat. Una, ang mga iskolar na gumagawa ng batas pero sila mismo, hindi ito sinusunod. Ikalawa, ang mga Pariseo na literal na sumusunod sa mga batas na ginawa ng mga iskolar. Dahil dito, mataas ang tingin ng mga Pariseo sa kanilang mga sarili. Ang hindi nila katulad, hinuhusgahan nila na hindi matuwid. Ang tawag sa kanila, mga ipokrito! Ano ba ang mas mahalaga, ang tingin sa atin ng tao o ang tingin sa atin ng Diyos? Mga kapatid, isang aspeto ng ating buhay ay paglalakbay at pakikilakbay. Sinasabi ng ating pananampalataya na ang ating buhay ay isang paglalakbay patungo sa Ama. Si Hesus ay Salita ng Diyos, naging tao, nakipamayan at nakilakbay sa atin. Sa pakikilakbay Niya sa tao, hindi Siya tagaturong nagbibigay ng instruksyon kung paano susundin ang mga batas. Si Hesus ay Guro na unang nagsasagawa ng Kanyang itinuturo, upang matularan ng Kanyang mga kalakbay. Hindi hiwalay ang Kanyang salita sa kanyang ginagawa. Pawang mabubuti ang Kanyang turo at Siya ang unang nagsasabuhay ng mga itinuturo Niya. Tinatawag natin itong pagiging consistent. Mga kapatid, kung sinusunod natin ang mga turo ni Hesus, naglalakbay tayo sa Katotohanan at magkakaroon tayo ng buhay na kalugud-lugod sa Ama. Sa tuwing gumagawa tayo ng mabuti, buong kababaang-loob nating tanungin ang ating mga sarili, bakit ko ito ginagawa? Para kanino ko ito ginagawa? Sigurado, mawawala ang ipokrisya sa ating mga puso.
PANALANGIN
Panginoon, bigyan Mo kami ng pusong malinis at wagas upang sa aming paglalakbay patungo sa iyo, ang aming pamumuhay ay maisunod namin sa iyong kalooban. Amen