EBANGHELYO: Lc 11:47-54
Sinabi ni Jesus: “Sawimpalad kayong nagtatayo ng mga puntod sa Mga Propetang pinatay ng inyong mga ama. Sa gayon ninyo inaamin at sinasang-ayunan ang mga ginawa ng inyong mga ama; iniligpit nila ang Mga Propeta, at makapagtatayo na kayo ngayon. At sinabi rin ng karunungan ng Diyos: “Nagsugo ako sa kanila ng Mga Propeta at mga apostol ngunit uusigin nila at papatayin ang ilan sa kanila. Kayat papapanagutin ang salinlahing ito sa dugo ng lahat ng propeta, sa dugong nabuhos mula pa sa pagkatatag ng mundo, mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na nasawi sa pagitan ng altar at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, papapanagutin ang salinlahing ito. Sawimpalad kayong mga guro ng Batas na umagaw sa susi ng kaalaman. Hindi na kayo pumasok at hinahadlangan pa ninyo ang mga makapapasok.” Pagkatapos ay umalis si Jesus at sinimulan naman ng mga guro ng Batas at mga Pariseo na mahigpit na nakipagtalo sa kanya. Pinapagsalita nila siya tungkol sa maraming bagay at pilit na sinisilo sa anumang sinasabi niya.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Bro. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Mahilig ka bang pumuna ng kapwa mo? Lagi mo bang nakikita ang mali o ang anumang kulang sa iba? Mga kapatid, sa naunang bahaging ito ng Ebanghelyo, inanyayahan si Hesus ng isang Pariseo na maghapunan. Sa simula pa lamang ng hapunan pinuna ng Pariseo si Hesus sa kanyang hindi paghuhugas ng kamay. Oo, mahalaga ang paghuhugas ng kamay at ang pagpapanatili ng kalinisan. [mula pa sa panahon ng mga Pariseo at ni Hesus maging sa ating panahon ngayon.] Pero higit pa sa panlabas na kalinisan, nais ni Hesus na pagtuonan natin ng pansin ang kabanalan ng kalooban. [Mahabang diskurso ang inilahad ni Hesus sa harap ng mga Pariseo na nagpapakita ng kanilang kakulangan. Oo maganda ang kanilang sinasabi ngunit taliwas ito sa kanilang ginagawa. (Mt 23:3) Kaya nga maging ang mga abogado o lawyer na nakikinig sa pangaral ni Hesus ay napagsabihan din. Sila na may hawak ng “susi ng karunungan” ngunit hindi ito ginagamit upang tulungan ang nawawala at nahihirapan. ] Sa ating panahon ngayon, madalas nating makita sa Social Media ang ganitong pamumuna o pamumulaan sa iba. Minsan pa nga gumagamit pa ng mga Fake Accounts para lang punahin ang kahinaan o kakulangan ng iba. Kapag nahuli o napag-alaman, hugas-kamay at todo deny silang naglilinis-linisan at bida sa kagalingan.// Mga kapatid, Ang tunay na kabanalan at kalinisan, sa dalisay na kalooban nagmumula, umaapaw at nagbibigay buhay habang ibinabahagi sa kapwa. Higit sa pamumuna sa kakulangan o pagkakamali ng iba, inaanyayahan tayo na magbigay ng mabuting halimbawa at gabayan ang mga nawawala. Sa halip na puro salita at pamumulaan sa kapwa, simulan mo sa tapat na pakikipag-usap upang maakay ang iyong kapwa sa kung ano ang nararapat at tama. Amen.